Umani ng matinding reaksyon si Senador Francis "Kiko" Pangilinan matapos umanong madamay at maapektuhan ang kanyang asawa, na walang iba kundi ang Megastar Sharon Cuneta, sa mainit na usapin ng flood control projects. Sa kanyang Instagram post noong Setyembre 1, ipinaabot ng senador ang kanyang galit at pagkadismaya laban sa dalawang anchors ng programang “Sa Ganang Mamamayan” ng NET25, sina Nelson Lubao at Gen Subardiaga.
Ayon kay Pangilinan, sa kanilang panayam kay Senador Rodante Marcoleta, na kasalukuyang namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee, ay nabanggit at tila naisangkot ang pangalan ng kanyang asawa kahit wala naman itong anumang koneksyon sa mga issue ng korapsyon na dinidinig ng komite. Binigyang-diin niya na mali at hindi makatarungan ang ginawa ng programa dahil nagbunga ito ng pambabastos at insulto laban kay Sharon, na tahimik lamang at walang kinalaman sa mga akusasyon hinggil sa flood control projects.
Sa caption ng kanyang post, diretsahang sinabi ng senador:
"Tama ba na sa pagbatikos sa akin ng inyong mga anchors na sina Nelson Lubao at Gen Subardiaga sa programang 'Sa Ganang Mamamayan,' kung saan naging guest ninyo si Senador Dante Marcoleta, ay dinawit ninyo ang aking maybahay na si Sharon na wala namang kinalaman sa usapin ng kurakot sa flood control?"
Dagdag pa niya, malaking dagok ito hindi lamang bilang isang asawa kundi bilang isang babae at isang indibidwal na matagal nang nirerespeto ng publiko. "Binastos ng programang ito si Sharon at sinaktan ninyo ang kanyang kalooban kahit na nananahimik siya at walang kinalaman sa issue ng korupsyon. Ito ba ay upang mapag-usapan at dumami ang inyong viewership?"
"Tama ba na idawit ang isang inosenteng taong walang kinalaman sa official business ng Senado at gawing katawa-tawa ang kanyang pagkatao sa publiko? Ano ba ang ginawa ni Sharon sa inyong istasyon at sa mga anchorpersons, at binastos ninyo ang kanyang pagkatao?"
Mariin pang ipinunto ni Pangilinan na hindi propesyonal at hindi angkop sa isang broadcaster ang magdala ng isang inosente, lalo na kung wala naman itong partisipasyon sa opisyal na gawain ng Senado. Ang masaklap pa, aniya, ay ginawa pa itong katatawanan sa publiko, bagay na hindi kailanman katanggap-tanggap.
"Hindi ganito ang mga propesyunal na mga broadcaster."
Sa kanyang pahayag, idiniin ng senador na maliwanag na nilapastangan ng naturang programa ang kanyang asawa. “Your anchors disrespected Sharon, insulted her, and wounded her feelings by baselessly dragging her in this issue,” saad pa ni Pangilinan.
Bilang pagtatapos, iginiit ng senador na ang asawa niyang si Sharon Cuneta ay karapat-dapat makakuha ng public apology mula hindi lamang sa dalawang anchors kundi pati na rin sa mismong pamunuan ng NET25. Ani Pangilinan, hindi kailanman dapat idinadamay ang mga taong wala namang kinalaman sa mga kontrobersiya, lalo na’t inosente sila at hindi bahagi ng alinmang opisyal na transaksyon ng gobyerno.
"She deserves a public apology from Net 25 and your anchorpersons. Huwag ninyong idinadawit ang mga inosente at binabastos, lalo na ang mga asawa ng mga Senador, ang mga wala naman kinalaman sa mga opisyal na mga usapin sa Senado," diin ng senador.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon mula sa panig ng NET25 o sa mga nasasangkot na anchors, ngunit patuloy na pinag-uusapan ng publiko ang naging paninindigan ni Pangilinan at ang kanyang matapang na pagtatanggol sa kanyang maybahay.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!