Usap-usapan na naman sa showbiz ang umano’y hiwalayan ng magkasintahang Julia Barretto at Gerald Anderson, at sa pagkakataong ito, muling nabigyang pansin ang naging reaksyon ng beteranang aktres na si Claudine Barretto, na tiyahin ni Julia.
Sa pinakabagong episode ng YouTube vlog na “The Issue is You!” na hosted ni Ogie Diaz kasama si Inah Evans, naimbitahan si Claudine bilang panauhin. Isa sa mga tinalakay ay ang mainit na balita hinggil sa estado ng relasyon nina Julia at Gerald, na sinasabing nauwi na raw sa hiwalayan, at may kumakalat pang tsismis tungkol sa pagkakaroon umano ng third party.
Diretsong tinanong ni Ogie si Claudine kung may nalalaman ba siya tungkol sa diumano’y paghihiwalay ng dalawa. Ang sagot ni Claudine ay tila maingat ngunit may laman:
“Ako, wala akong alam. Puro naririnig ko lang, ang daming fake news, kung sinu-sinong babae ang nadadawit—may Gigi de Lana, may Arci Muñoz. Pero napapatunayan mo rin naman, fake news lang ang karamihan.”
Bagamat walang tuwirang pag-amin, tila ipinapahiwatig ni Claudine na hindi siya naniniwala sa lahat ng lumalabas na balita, ngunit may sariling kutob o impormasyon siya sa mga tunay na nangyayari.
Isa pang pangalang nasangkot ay ang volleyball player na si Vanie Gandler, na sinasabing na-link kay Gerald matapos mapansin ng fans na madalas itong manood ng mga laro ng Cignal HD Spikers, kung saan kabilang si Vanie.
Nang itanong ni Ogie kung pamilyar ba si Claudine kay Vanie, sagot ng aktres:
“Sino? Marami akong kilalang volleyball players at anak-anakan sa liga, kaya madalas talaga akong nanonood ng PVL.”
Ibinahagi rin ni Claudine na hindi pa raw sila nagkakatagpo ni Vanie, sabay sabi ng makahulugang:
“Ay, hindi pa kami nag-abot. Buti na lang.”
Mas lalo pang naging intriguing ang usapan nang pabirong sinabi ni Claudine na may ikinuwento umano sa kanya ang ilan sa kanyang mga kaibigang volleyball players tungkol sa totoong ugnayan nina Gerald at Vanie:
“Hindi ‘yan ang ikinuwento sa akin ng mga babies ko sa volleyball.”
Nang pilitin ni Ogie kung ano nga ba ang ikinuwento sa kanya, sagot lang ni Claudine ay:
“Secret! Basta hindi na ako nanonood ng PVL.”
Naitanong tuloy ni Ogie kung bakit bigla na lang siyang tumigil sa panonood ng mga volleyball games, ang sagot ng aktres:
“Siya! Ayoko na siyang makita.”
Pinaliwanag naman ni Claudine na wala siyang personal na galit kay Vanie, ngunit prangkang inamin na hindi lang niya ito gusto.
“Wala akong galit sa bata. Hindi ko lang siya gusto. Puwede naman ‘yon, ‘di ba?”
Bagamat hindi direkta ang mga sagot ni Claudine, malinaw na may laman ang kanyang mga pahayag. Hindi man siya nagbanggit ng pangalan o kumpirmadong detalye, ramdam ng mga nanonood ang tensyon at ang pagkakaroon niya ng sariling opinyon tungkol sa kontrobersiya.
Samantala, nananatiling tahimik sina Julia at Gerald hinggil sa estado ng kanilang relasyon. Ngunit sa patuloy na paglabas ng mga ganitong pahayag, lalong lumalalim ang interes ng publiko sa totoong nangyayari sa likod ng camera.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!