Umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa publiko ang naging kilos ng kontratistang si Sarah Discaya nang muling humarap sa Department of Justice (DOJ) noong Sabado, Setyembre 27, 2025. Sa halip na seryosong aura ang ipakita, tila kabaligtaran ang naging dating ng kanyang finger heart gesture na ikinainis ng ilang netizens.
Batay sa mga ulat mula sa iba't ibang media outfit, nagtungo si Sarah Discaya sa DOJ kasama ang kanyang asawa upang ipagpatuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa isinasagawang case build-up ng gobyerno. Ang nasabing imbestigasyon ay kaugnay sa diumano’y malawakang katiwalian sa mga proyektong may kinalaman sa flood control sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bitbit umano ng mag-asawa ang ilang dokumento at materyales na sinasabing maaaring magpatunay sa kanilang mga pahayag. Ang mga ito ay inaasahang makakatulong sa pagsiwalat ng mga posibleng sangkot sa naturang anomalya. Ayon sa ilang ulat, posibleng maging whistleblower o key witness ang mag-asawa sa imbestigasyon, lalo’t sila ay dating nakipag-transaksyon sa ilang ahensya ng gobyerno na nasasangkot ngayon sa kontrobersya.
Gayunpaman, imbes na ma-focus ang atensyon sa kanilang isusumiteng ebidensya o testimonya, naging sentro ng diskusyon online ang tila hindi inaasahang asal ni Sarah. Sa isang video na kumalat online at ibinahagi ng ilang news platforms, makikita si Sarah na tinanong ng isang mamamahayag kung kumusta na ang kanyang kalagayan sa gitna ng kontrobersya. Sa halip na sagutin ito ng direkta, ngumiti lang siya at nagpakita ng finger heart—isang kilalang Korean gesture na karaniwang ginagamit sa pagpapakita ng “cute” na pagmamahal o suporta.
Dahil dito, marami ang nagtaka at hindi natuwa sa kanyang inasta. Para sa ilan, hindi ito angkop na kilos para sa isang taong sangkot sa isang sensitibo at seryosong imbestigasyon.
“Parang hindi affected to no? hindi stress mas stress pa sa inyo taong bayan!” komento ng isang netizen.
“Ang dami-daming nawalan ng pondo sa flood control projects, tapos ‘yung witness, parang nagpe-peace sign lang sa camera. Nakakainis,” ani naman ng isa pa.
May ilan din namang nagsabi na baka paraan lang ito ni Sarah para ipakita na maayos ang kanyang kalagayan at wala siyang kinatatakutan. Subalit mas nangingibabaw pa rin ang opinyon ng mga netizen na hindi ito ang tamang panahon para sa mga pa-cute na galaw, lalo’t malaking isyu ang hinaharap ng mag-asawa.
May mga nagsabi ring posibleng naapektuhan na si Sarah ng impluwensiya ng ilang politiko na umano’y nagbibigay ng proteksyon sa kanya. Isang viral comment pa nga ang nagsabing, “Ngiting efas na dahil sa isang senador na tinulak sila sa witness protection program.”
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula kina Sarah Discaya o sa kanyang legal team tungkol sa mga reaksyong tinanggap nila mula sa publiko. Patuloy naman ang imbestigasyon ng DOJ at inaasahang lalabas ang karagdagang impormasyon sa mga susunod na linggo.
Sa kabila ng kontrobersya sa kanyang asal, mahalaga pa rin ang magiging papel ni Sarah sa pagbubunyag ng katotohanan sa likod ng diumano’y anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura. Subalit nananatiling tanong sa publiko: seryoso nga ba siya sa kanyang ginagampanang papel, o isa lamang itong palabas?
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!