Matapos niyang kantahin ang ilan sa mga pinaka-iconic na kantang pamasko ng mga Pilipino, mariin pa ring itinatanggi ni Jose Mari Chan ang bansag na “King of Christmas Carols” sa bansa. Sa halip, iginigiit ng singer-composer na hindi siya karapat-dapat tawaging hari ng mga kantang pamasko dahil bago pa man siya ipinanganak ay napakarami nang nalikha at nakilalang awitin na pang-Pasko sa Pilipinas.
Sa isang panayam niya sa “Toni Talks,” isang YouTube program ni Toni Gonzaga noong Agosto 31, sinabi ni Chan na, “No, no. Long before I was born, there were already many Christmas carols. Cebu, Iloilo, Tagalog, I mean Manila, there were ‘Ang Pasko ay Sumapit.’” Ayon pa sa kanya, kung siya lamang daw ang nagsulat ng lahat ng kantang pamasko sa bansa ay maaari siyang matawag na hari ng mga ito, pero malinaw na hindi iyon ang katotohanan.
Ibinahagi rin ng OPM icon ang kuwento sa likod ng pagkakalikha ng pinakatanyag niyang awitin na Christmas in Our Hearts. Noong 1988 o 1989, inimbitahan umano siya ng isang grupo upang gumawa ng kanta para sa kanilang adbokasiya hinggil sa pangangalaga ng tubig na pinamagatang “Ang Tubig ay Buhay.” Napakaganda at napaka-catchy raw ng melodyang nabuo niya para rito, kaya’t dalawang taon matapos iyon, nang imbitahan siya ng Universal Records na gumawa ng isang Christmas album, agad niyang naisip gamitin muli ang parehong himig.
Nanalangin daw siya noon sa Banal na Espiritu na gabayan siya sa pagsusulat ng kanta. Aniya, hindi raw niya nais magsulat lamang tungkol kay Santa Claus o mga materyal na aspeto ng Pasko, kundi ang tunay na diwa nito—ang kapanganakan ni Hesus. Pagkatapos niyang magdasal sa simbahan, nagkataon naman na isang babae ang kumatok sa kanyang sasakyan. Nagpakilala ito bilang si Rina Caniza at naghayag ng pangarap na makipag-collaborate sa kanya sa isang kanta. Doon nagsimula ang kanilang pagtutulungan na nagbunga sa Christmas in Our Hearts.
Ayon pa kay Chan, sa loob lamang ng ilang araw matapos nilang magtagpo, natapos na nila ang nasabing kanta. Nais pa sanang maging ka-duet niya noon ang broadway star na si Lea Salonga, na sikat na sikat noong panahon na iyon. Subalit tumanggi umano ang manager ni Lea dahil abala ito sa Miss Saigon. Sa huli, napagtanto ni Chan na ang pinakamainam na makasama niya ay ang sarili niyang anak na si Liza Chan. Ayon sa kanya, ito raw ay dahil sa gabay at inspirasyon ng Banal na Espiritu.
Bukod sa Christmas in Our Hearts, ibinunyag din ni Chan na siya ang orihinal na sumulat ng awiting Mamang Sorbetero na inawit ni Celeste Legaspi. Nakasulat ito una sa Ingles bago isalin sa Filipino. Kabilang pa sa ilan sa kanyang obra ang A Love to Last a Lifetime, Afterglow, at Can We Just Stop and Talk Awhile.
Hanggang ngayon, hindi kumukupas ang kasikatan ng kanyang mga awitin tuwing papalapit ang Pasko. Sa kultura ng mga Pilipino, nagsisimula na ang pagdiriwang ng kapaskuhan tuwing sumasapit ang Setyembre o ang tinatawag na “Ber months.” At sa puntong ito, halos awtomatiko nang bumabalik ang mga kanta ni Jose Mari Chan sa mga radyo, tindahan, at iba’t ibang programa, dahilan upang lalo siyang maiugnay sa selebrasyong ito—kahit siya mismo ay naniniwala na hindi siya dapat tawaging hari ng mga awiting pamasko.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!