Sa isang mainit na pagdinig na isinagawa ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, ibinunyag ng dalawang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang diumano'y malakihang lagayan ng salapi na kinasasangkutan ng dalawang kilalang personalidad sa politika: si Senador Joel Villanueva at si Ako Bicol party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co.
Ayon kay Brice Hernandez, dating assistant district engineer ng DPWH, siya mismo ang naghatid ng tinatayang higit sa ₱1 bilyong cash na nakasilid sa mahigit dalawampung maleta patungo sa penthouse ni Rep. Co sa isang mamahaling hotel sa Taguig — ang Shangri-La Hotel.
Sa kanyang salaysay, inilahad ni Hernandez na ang pera ay isinakay sa anim o pitong van at dinala sa nasabing hotel. Pagdating doon, ang salapi ay inabot sa isang tauhan ni Co na nakilala lamang sa pangalang “Paul.”
“Maraming maleta po ng pera ‘yon, Your Honor. Sa tantya ko po, bilyon po ang halaga nun,” wika ni Hernandez sa harap ng mga senador. Tinaya niya na may tig-₱50 milyon ang laman ng bawat maleta.
Dagdag pa ni Hernandez, si Co ay direktang nakipag-ugnayan lamang kay dating DPWH district engineer Henry Alcantara hinggil sa mga proyektong pinag-uugatan ng naturang pondo.
Samantala, si Alcantara rin ay umamin na siya mismo ang naghatid ng ₱150 milyon bilang umano'y kickback patungo sa resthouse ni Senador Villanueva sa Barangay Igulot, Bocaue, Bulacan.
Ayon sa kanya, ang halagang ito ay kinatawan ng 25% na parte ni Villanueva mula sa ₱600 milyong halaga ng flood control projects na ipinasok noong 2023 sa ilalim ng tinatawag na “unprogrammed funds.”
Sa kanyang salaysay, sinabi ni Alcantara na noong 2022, nag-request umano si Villanueva ng isang multipurpose building project na nagkakahalaga ng ₱1.5 bilyon, ngunit ₱600 milyon lamang ang napondohan.
“Hindi humingi ng partikular na porsiyento si Sen. Joel pero iniutos ni Sec. Bernardo na bigyan na lamang ng proyekto na katumbas na P150 milyon,” ani Alcantara.
Ikinuwento rin ng inhinyero na iniwan niya ang cash sa isang aide ni Villanueva na tinawag na “Peng.” Sinabi niya rito, “Pakibigay na lang kay Boss Sen. Joel, tulong lamang iyon para sa future na plano niya.” Idinagdag din niyang wala raw alam ang senador na ang mga proyektong nauugnay sa kanya ay may kaugnayan sa flood control.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang parehong mambabatas — sina Villanueva at Co — kaugnay sa mabibigat na alegasyong ito.
Ang rebelasyong ito ay nagdulot ng matinding reaksyon sa publiko, na ngayo'y muling binibigyang pansin ang malalim na suliranin ng katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan. Habang hinihintay ang mga opisyal na pahayag ng mga nasasangkot, patuloy ang pag-iimbestiga ng Senado upang matukoy ang lawak ng posibleng anomalya sa loob ng DPWH at sa ugnayan nito sa ilang mambabatas.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!