Nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng Bulusan, Sorsogon na walang kinalaman si Heart Evangelista-Escudero sa kontrobersiyang nabuo matapos tawagin ni Vice Ganda na “bulok” ang Bagacay Elementary School, ang paaralang kanyang dinalaw at pinagbigyan ng donasyon.
Ayon kay Mayor Wennie Rafallo-Romano, nagpunta si Vice Ganda sa Bagacay Elementary School noong Setyembre 26, 2023, bilang bahagi ng kanyang adbokasiya sa pagtulong sa mga pampublikong paaralan. Sa pagbisita ng komedyante, nagbigay siya ng kabuuang ₱67,360 na donasyon, na ipinadala sa tatlong bahagi mula Disyembre 2023 hanggang Enero 2024.
Ipinahayag ng alkalde na ginamit ng paaralan ang nasabing halaga sa pagpapaganda ng mga pasilidad, kabilang ang pag-aayos ng pansamantalang silid-aralan (makeshift classroom) na itinayo sa tulong ng Parents-Teachers Association (PTA), paglalagay ng tiles sa comfort room, at pagkakabit ng internet connection para sa tatlong buwang serbisyo.
Nagpasalamat ang LGU Bulusan kay Vice Ganda sa kabutihang ipinakita niya. “Taos-puso kaming nagpapasalamat sa malasakit ni Vice Ganda,” ayon kay Romano. Gayunpaman, idinagdag niyang may bahagi sa naging pahayag ng komedyante na hindi maganda ang naging epekto sa komunidad.
“Ang paraan ng pagbanggit sa donasyon na may kasamang komentong ‘bulok na paaralan at walang reading materials’ ay nagdulot ng kahihiyan sa mga guro, magulang, at sa buong pamahalaang lokal ng Bulusan,” paliwanag ng alkalde. Ayon sa kanya, nasapawan ng pahayag ni Vice Ganda ang sama-samang pagsisikap ng mga guro, magulang, opisyal ng barangay, at ng Department of Education (DepEd) na noon pa man ay nagsasagawa na ng mga programa para mapaunlad ang paaralan.
Nilinaw din ni Mayor Romano na bago pa man bumisita si Vice, mayroon nang permanenteng silid-aralan at sapat na reading materials ang Bagacay Elementary School. Ayon sa kanya, noong Mayo 2023 pa inilunsad ng DepEd Sorsogon ang Project TARGET, isang inisyatibang naglalayong magbigay ng dagdag na babasahin at learning materials para sa mga mag-aaral. Ang maliit na reading kiosk na ipinakita umano online ay proyekto ng mga magulang mismo upang hikayatin ang mga bata na magbasa tuwing break time o libreng oras.
Bukod dito, binigyang-diin ng alkalde na walang koneksyon si Heart Evangelista-Escudero sa nasabing isyu. Nadamay lamang umano ang pangalan ng aktres at fashion icon dahil asawa siya ni Senador Chiz Escudero, na dating gobernador ng Sorsogon. “Wala pong kinalaman si Heart Evangelista sa isyung ito,” ani Romano.
Dagdag pa niya, kahit tapos na ang termino ni Sen. Chiz bilang gobernador, patuloy pa rin umano ang kanyang suporta sa edukasyon sa probinsya. Marami pa ring proyekto at inisyatiba ang naipatupad sa ilalim ng kanyang pamumuno upang mapaunlad ang mga paaralan sa Sorsogon.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, tiniyak ni Mayor Romano sa mga mamamayan na patuloy na tututukan ng lokal na pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga paaralan sa kanilang bayan. “Makakaasa po ang publiko na mabibigyan ng tamang tulong at solusyon ang mga kakulangan, nang walang halong propaganda — kundi may tunay na hangarin na matulungan ang ating mga kabataan,” wika niya.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!