Walang pag-aalinlangang ibinahagi ni Melai Cantiveros, isa sa mga kilalang host at komedyante ng Kapamilya network, ang kanyang naging karanasan sa relasyon nila ng asawang si Jason Francisco. Ayon sa kanya, dumaan sila sa isang matinding yugto sa kanilang pagsasama kung saan naramdaman niyang tila nawala ang dati niyang pagmamahal sa asawa.
Ang love story nina Melai at Jason ay nagsimula noong taong 2009, sa loob ng “Pinoy Big Brother” house, kung saan una silang nagkakilala at nagka-developan. Matapos ang ilang taon, nauwi sa kasalan ang kanilang relasyon noong 2013. Biniyayaan sila ng dalawang anak na sina Mela at Stela, at sa unang tingin ay tila maayos at masaya ang kanilang buhay mag-asawa.
Ngunit sa isang tapat at emosyonal na panayam, inilahad ni Melai na dumating sa punto ang kanilang pagsasama na tila hindi na siya sigurado sa nararamdaman niya para kay Jason.
“Alam mo hindi naman talaga tayo perfect kasi napo-fall out of love tayo. Kaya yung sinasabi nilang fall out of love, that’s very normal sa relationship. Na-fall out of love ako,” pag-amin ni Melai.
Nilinaw niyang normal lamang ito sa mga mag-asawa — lalo na kapag may mga hindi pagkakaunawaan at paulit-ulit na tampuhan. Dagdag pa niya, hindi third party ang dahilan ng kanilang mga problema, kundi ang pride na pareho nilang hindi agad naisantabi.
“May sobrang malala talaga na I think it’s morphin time talaga namin. Muntik talaga maghiwalay. Siyempre, ugali natin kasi minsan may pride tayo na hindi talaga natin sinasadya. Tao lang naman tayo. Minsan, wala tayo sa mood. Maraming reason talaga sa ugali pero thank you Lord napagtagumpayan,” pagbabahagi ni Melai.
Ayon sa kanya, dumating sila sa isang punto na kailangan nilang harapin ang isyu at mag-usap nang masinsinan. Isang “heart-to-heart talk” ang naging susi para sa kanilang pagbabalikan. Naging bukas siya kay Jason at inamin niyang halos naisip na niyang tapusin na lang ang relasyon sa maayos na paraan — alang-alang na rin sa dignidad nilang pareho at sa katahimikan ng pamilya.
“Pero thank you Lord kasi si Lord nag give ng way na maging okay kami,” saad ni Melai.
Ang karanasang ito ay naging aral hindi lang para sa kanilang mag-asawa kundi para rin sa mga pamilyang pinagdadaanan ang parehong pagsubok. Nagbigay rin siya ng mensahe para sa mga mag-asawang maaaring nasa parehong sitwasyon:
“Huhupa din yung galit. Mari-realize n’yo, deserve ba ng mga anak niyo itong pride na pinakita mo? Kung hindi deserve ng anak mo, mag okay kayo. Masakit nga yung words pero forgiveness is the key,” payo ni Melai.
Sa huli, pinatunayan nina Melai at Jason na hindi hadlang ang mga pagsubok para sa isang matatag na relasyon. Sa halip, ito’y mga paalala na ang tunay na pagmamahalan ay sinusubok, pinatibay ng panahon, at pinalalim ng pag-unawa, pagtanggap, at panalangin.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!