Sa kasalukuyang sitwasyon ng panahon, tila wala nang ligtas na bahagi sa Metro Manila mula sa pananalasa ng malawakang pagbaha. Maraming lugar ang nakakaranas ng pagtaas ng tubig kahit sa mga lugar na dati ay hindi binabaha. Ang mga residente ay hindi na lamang nag-aalala sa trapiko o abalang dulot ng ulan—kundi pati na rin sa pagpasok ng baha sa loob ng kanilang mga tahanan, na nagdudulot ng pagkasira ng gamit, sakit, at panganib.
Karamihan sa mga mamamayan ay nagtatanong: “Bakit ganito na ang kalagayan ngayon?” Ayon sa mga eksperto, isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang climate change. Nagbabago na ang takbo ng panahon—mas malalakas na ulan, mas mabilis ang pag-ulan, at mas malawak ang naaapektuhan. Ngunit bukod sa mga natural na dahilan, malaki rin ang epekto ng kawalan ng disiplina ng ilan nating kababayan.
Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagbaha ay ang baradong mga kanal at drainage systems. Hindi ito basta-basta bumabara lang. Sa likod nito ay ang tone-toneladang basura—lalo na ang mga plastic—na itinatapon kung saan-saan, sa halip na itapon sa tamang lalagyan. Sa tuwing umuulan, hindi na umaagos ng maayos ang tubig-ulan dahil napipigilan ito ng mga basurang bumabara sa daluyan ng tubig.
Dahil dito, nananawagan si Quezon City 1st District Representative Juan Carlos “Arjo” Atayde para sa isang malawakang solusyon sa problema ng pagbaha sa kabuuan ng Metro Manila.
Sa isang panayam sa IKOT.PH, binigyang-diin ni Cong. Arjo ang kanyang paniniwala na ang problema ng baha ay hindi lang isyu ng isang lungsod, kundi sama-samang suliranin ng buong rehiyon.
Aniya, “The flooding we’ve seen in recent days makes one thing very clear: this is not just a QC District 1 problem, this is not just a Quezon City problem—it’s a Metro Manila problem.”
Paliwanag ng kongresista, upang malutas ang suliraning ito, kinakailangan ang mahigpit na ugnayan at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan—mula sa pambansa hanggang sa mga lokal na pamahalaan. Hindi sapat ang pansariling hakbang ng isang lungsod. Dapat ay may iisang plano at layunin ang buong rehiyon sa pagharap sa hamon ng pagbaha.
Bukod pa rito, binigyang-diin din ni Rep. Atayde na hindi dapat tipirin ang puhunan sa pagsugpo sa pagbaha. Ayon sa kanya, kailangang maglaan ng sapat na pondo para sa mga pangmatagalang solusyon sa halip na panandaliang pag-aayos na wala ring garantiyang magtatagal.
“When Metro Manila floods, the whole country suffers. We cannot solve this piecemeal. Kailangan talaga ng buong-lungsod na solusyon. Hindi puwedeng kanya-kanyang diskarte lang ang mga LGU dahil konektado ang mga kalye, kanal, estero, at ilog natin,” wika pa ng kongresista.
Ang panawagan ni Cong. Arjo ay naglalayong ipagising ang mga namumuno sa iba’t ibang bahagi ng Kalakhang Maynila, gayundin ang bawat mamamayan. Kung sama-sama ang pagkilos, mula sa malalaking proyekto hanggang sa simpleng pagtapon ng basura sa tamang lugar, posibleng mabawasan, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang sakuna ng pagbaha.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!