Umani ng matinding atensyon mula sa publiko ang matapang na pahayag ng beteranang aktres na si Pinky Amador kaugnay ng bagong pelikulang “Quezon,” na tumatalakay sa buhay ng dating Pangulong Manuel Luis Quezon. Ang pelikula ay idinirek ni Jerrold Tarog at tampok si Jericho Rosales bilang bida.
Ang “Quezon” ay itinuturing na ikatlong yugto ng tinatawag na Bayaniverse Series, isang cinematic universe na layuning muling buhayin at ipakilala ang mga pambansang bayani ng Pilipinas sa makabagong henerasyon. Nauna rito ang “Heneral Luna” na pinagbidahan ni John Arcilla, at “Goyo: Ang Batang Heneral” na ginampanan naman ni Paulo Avelino.
Sa isang mahabang Instagram post na pinamagatang “MLQ Tinokhang sa Pelikula: History Weaponized,” diretsahang ibinahagi ni Amador ang kanyang masusing pagtingin sa pelikula. Ibinahagi niya ang kanyang pag-aalinlangan sa paraan ng paglalarawan sa buhay at pamumuno ni Quezon, pati na rin sa kung paano umano ginagamit ng mga filmmaker ang kasaysayan para sa mga layuning pansarili at pangkomersyo.
Ayon sa aktres, bagama’t hindi maikakaila ang mataas na kalidad ng produksyon at ang husay ng mga artista sa pagganap, naniniwala siyang masyadong “sensationalized” ang pagkakagawa ng pelikula. Dahil dito, may posibilidad umanong magdulot ito ng maling interpretasyon sa kasaysayan para sa mga manonood, lalo na sa kabataan.
Binigyang-diin ni Amador na ang ganitong uri ng pelikula, na suportado ng malalaking kumpanya at inendorso pa ng Department of Education (DepEd) bilang isang “educational film,” ay may malaking impluwensya sa kaisipan ng mga Pilipino. Sa panahon ngayon na kinakaharap ng bansa ang mga isyu sa kakulangan ng literacy at critical thinking, mas lalo raw dapat maging maingat sa kung paano isinasalaysay ang kasaysayan sa pelikula.
Aniya, “With great power comes great responsibility. Kapag may basbas ng DepEd, inaasahan ng mga tao na ang pelikula ay may bahid ng katotohanan sa kasaysayan. Ngunit kapag sinadya mong paghaluin ang fiction, satire, at reality upang mapalabnaw ang linya sa pagitan ng katotohanan at malikhaing interpretasyon, para mo na ring ginawang sandata ang kasaysayan para sa sariling narrative.”
Dagdag pa ni Amador, bagama’t maaaring nakatutulong ang ganitong estilo ng pelikula upang mapukaw ang diskusyon at mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan, hindi raw lahat ng manonood ay may sapat na kakayahan upang kilalanin kung alin ang totoo at alin ang kathang-isip. Ang ganitong sitwasyon ay nagbubukas ng panganib sa miseducation ng publiko, partikular na ng mga kabataang umaasa sa mga pelikulang ito bilang batayan ng kanilang kaalaman.
Para kay Pinky Amador, personal ang isyung ito. Ang kanyang lola, si Nini Angara Quezon Avanceña, ay apo ni Manuel Quezon at kilala ring tagapagtanggol ng demokrasya noong panahon ng batas militar. Dahil dito, mas matindi raw ang kanyang malasakit sa kung paano inilalarawan sa pelikula ang kanyang mga ninuno at ang kanilang naiambag sa kasaysayan ng bansa.
Bukod kay Pinky, naging mainit na usapin din ang pagtutol ng Ricky Avanceña, na apo rin ni Quezon at tiyuhin ng aktres. Ayon sa mga ulat, harapan nitong sinita ang production team ng pelikula dahil sa umano’y “pagsalaula” o maling representasyon sa imahe ng dating Pangulo.
Sa kabuuan, nananatiling hati ang opinyon ng publiko: may ilan ang pumupuri sa pelikula bilang malikhaing interpretasyon ng kasaysayan, habang marami rin ang sumasang-ayon kay Amador na dapat pa ring pairalin ang katumpakan at respeto sa mga tunay na pangyayari lalo na’t ito ay ipinalalabas bilang historical film.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!