Nagbunsod ng kontrobersya ang biglaang pagbibitiw ni Andy Byron, ang punong ehekutibo ng teknolohiyang kompanya na Astronomer, na nakabase sa New York. Ang kanyang resignation ay kasunod ng pagkalat ng isang viral video kung saan siya ay namataan na tila may di pangkaraniwang lambingan sa kanyang kapwa empleyado habang nanonood ng isang Coldplay concert.
Ayon sa opisyal na pahayag ng kumpanya na inilathala sa LinkedIn, malinaw nilang sinabi na, “Our leaders are expected to set the standard in both conduct and accountability, and recently, that standard was not met.” Dagdag pa nila, si Byron ay kusa umanong nagsumite ng kanyang pagbibitiw mula sa posisyon.
Naganap ang nasabing insidente sa concert ng Coldplay sa Foxborough, Massachusetts. Isang video ang kumalat online na kuha mula sa jumbotron screen ng mismong concert, kung saan makikita sina Byron at ang isang babaeng empleyado na yakap-yakap sa isa’t isa. Kapansin-pansin na may lambingan ang dalawa, at agad silang nagkahiwalay nang mapansing sila ay ipinapakita na sa malaking screen.
Hindi rin nakatakas sa atensyon ng mismong Coldplay frontman na si Chris Martin, na pabirong nagkomento habang nasa entablado: “Uh-oh, what? Either they’re having an affair or they’re just very shy.” Ang kanyang biro ay sinabayan ng tawanan mula sa libo-libong concertgoers.
Matapos lamang ang ilang oras, mabilis na natrace ng mga online sleuths at netizens kung sino ang nasa video. Napag-alamang ang babae sa eksena ay si Kristin Cabot, ang Chief People Officer o HR head ng parehong kumpanya. Ito ang lalong nagpasiklab sa intriga, lalo na’t pareho silang nasa mataas na posisyon sa kumpanya.
Sa social media, bumaha ng memes, mga komentaryo, at espekulasyon. Ilan sa mga usap-usapan ay may “palihim” o “di opisyal” na ugnayan diumano ang dalawa. May ilan din na nagtataas ng kilay, sapagkat ang relasyon sa loob ng isang opisina—lalo na kung pareho kayong nasa senior management—ay maaaring magdulot ng conflict of interest o hindi pantay na trato sa ibang empleyado.
Habang wala namang direktang kumpirmasyon mula kina Byron at Cabot kung may romantikong relasyon nga sa pagitan nila, hindi pa rin naibsan ang usap-usapan ng publiko, lalo na’t sa larangan ng corporate ethics, ang ganitong klase ng kilos ay itinuturing na sensitibo.
Bukod sa usaping moralidad, binigyang-diin ng ilang eksperto na sa panahon ngayon ng social media at cancel culture, ang mga kilos sa labas ng opisina—lalo na kung ikaw ay nasa liderato—ay hindi na ligtas sa mata ng publiko. Isa itong paalala sa mga pinuno ng anumang organisasyon na kailangang doble ang ingat sa kanilang mga kilos, lalo na’t may kaakibat na pananagutan sa kanilang mga empleyado at sa mismong reputasyon ng kompanya.
Sa ngayon, wala pang bagong anunsyo kung sino ang hahalili kay Byron sa Astronomer. Wala ring pahayag kung mananatili si Cabot sa kanyang kasalukuyang posisyon. Ngunit malinaw na ang isang gabing puno sana ng musika at kasiyahan ay nauwi sa isang hindi inaasahang pagbabago sa pamunuan ng isang kilalang tech firm.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!