Bulusan, Sorsogon Mayor Wennie Rafallo-Romano Binatikos Pahayag Ni Vice Ganda Patungkol Sa Kanilang 'Bulok' na Paaralan

Miyerkules, Oktubre 29, 2025

/ by Lovely


 Nagpahayag ng pagkadismaya si Mayor Wennie Rafallo-Romano ng Bulusan, Sorsogon matapos magbigay ng komento si Vice Ganda sa programang It’s Showtime, kung saan tinukoy ng komedyante na “bulok” umano at kulang sa mga reading materials ang Bagacay Elementary School. Ayon kay Mayor Romano, labis na nakasakit at nakapagpahiya sa mga guro, magulang, estudyante, at buong komunidad ng Bulusan ang pahayag ng sikat na TV host.


Sa opisyal na pahayag na inilabas sa Facebook page ng LGU Bulusan, ipinaabot ng alkalde ang kanyang pagkadismaya, sinasabing tila nabura ng mga salita ni Vice ang matagal nang pagsisikap ng lahat ng taong nagtulungan upang mapaganda ang kalagayan ng paaralan. Dagdag pa ni Romano, hindi lamang mga guro at estudyante ang nagsumikap, kundi maging ang mga magulang, mga lokal na opisyal, at mismong Department of Education (DepEd) na patuloy na nagbibigay-suporta sa kanilang mga programa para sa kabataan.


Ipinaliwanag din ng alkalde na bumisita si Vice Ganda sa Bagacay Elementary School noong Setyembre 26, 2023, at nangakong tutulong sa pamamagitan ng donasyon. Sa kabuuan, umabot sa ₱67,360 ang tulong-pinansyal na ipinadala ni Vice, na ibinahagi sa tatlong yugto mula Disyembre 2023 hanggang Enero 2024.


Ayon sa pamunuan ng paaralan, ginamit ang nasabing pondo para sa pag-aayos ng mga bintana at pinto, pagpapakinis ng pader ng pansamantalang silid-aralan na sinimulan ng PTA, paglalagay ng tiles sa comfort room, at pagpapakabit ng internet service sa loob ng tatlong buwan. Pinuri naman ni Mayor Romano ang kabutihang-loob ni Vice, at nagpasalamat sa tulong na ibinigay niya sa paaralan.


Gayunpaman, ayon sa alkalde, labis na nakaapekto ang mga sumunod na pahayag ni Vice sa publiko, na umano’y nagbigay ng maling impresyon tungkol sa tunay na kalagayan ng eskwelahan. 


“Ang paraan ng pagsasamadla ng kanyang donasyon na may komentong ‘bulok na paaralan at walang reading materials’ ay nagdulot ng kahihiyan sa Bagacay Elementary School, sa bayan ng Bulusan at sa Department of Education,” ani Romano.


Nilinaw din ng alkalde na may mga permanenteng silid-aralan at textbooks mula sa DepEd ang Bagacay Elementary bago pa bumisita si Vice. Noong Mayo 2023, inilunsad pa nga ng DepEd Sorsogon ang Project TARGET, isang programang nagbibigay ng dagdag na babasahin sa mga mag-aaral. Ang ipinakitang reading kiosk sa social media, ayon sa kanya, ay personal na inisyatiba ng mga magulang upang magkaroon ng lugar ang mga bata para magbasa tuwing recess o libreng oras.


Bukod dito, binigyang-diin ni Mayor Romano na walang kinalaman si Heart Evangelista-Escudero sa isyung ito, matapos madamay ang pangalan ng aktres sa mga online na komento. “Wala pong koneksyon si Heart sa usaping ito,” pahayag ng alkalde, sabay apela sa publiko na huwag idamay ang mga walang kinalaman.


Tiniyak ng opisyal na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng LGU Bulusan sa DepEd Sorsogon at sa pamahalaang panlalawigan upang tugunan ang mga kakulangan ng mga paaralan sa kanilang lugar. 


“Makakaasa po ang publiko na mabibigyan ng tamang intervention ang mga kakulangang nabanggit ng walang propaganda, kundi purong intensyon na matulungan ang ating mga mag-aaral,” pagtatapos ni Romano.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo