Vice Ganda, Hinamon si Pangulong Marcos; Oras Na Ng Paniningil

Lunes, Setyembre 22, 2025

/ by Lovely


 Matapang at diretsahang binitawan ni Vice Ganda ang kanyang mga pahayag sa harap ng libo-libong Pilipinong dumalo sa Trillion Peso March na isinagawa sa EDSA People Power Monument noong Setyembre 21. Kilala bilang isang komedyante at host ng It’s Showtime, ipinakita ni Vice sa pagkakataong ito ang kanyang seryosong paninindigan laban sa matagal nang suliranin sa bansa—ang korapsyon.


Hindi nagdalawang-isip si Vice na ipahayag ang kanyang galit. Isa siya sa maraming kilalang personalidad na nakiisa sa nasabing rally bilang suporta sa panawagan ng taumbayan para sa hustisya at pananagutan ng mga sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects. Ayon sa kanya, tapos na raw ang panahon ng pagiging resilient at tahimik. Ngayong malinaw na may mga nagsasamantala sa pondo ng bayan, oras na raw para manindigan at lumaban.


Sa kanyang talumpati, hindi pinalampas ni Vice Ganda ang pagkakataong kondenahin ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. “Ang corrupt na politiko ay higit pa sa mamamatay tao. Ang korapsyon ay higit sa terorismo... Ang magnanakaw walang pinipili. Kapwa Pilipino ang inaabuso,” mariin niyang pahayag. 


Hindi na rin siya nagpakaseryoso sa pakikitungo—tinawag pa nga niyang “mga hayop” ang mga kurap, na aniya’y karapat-dapat lang na pag-initan ng galit at pagkamuhi ng sambayanan.



Hindi nagpatumpik-tumpik si Vice na ihayag ang kanyang hamon sa Pangulo ng bansa, si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. Ayon sa kanya, kung nais talagang iwan ng pangulo ang isang malinis at makabuluhang legasiya, dapat nitong tiyaking mananagot ang lahat ng sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. 


"Kaya hinahamon ka namin, Pangulong Bongbong Marcos, kung gusto mong magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo lahat ng magnanakaw! Nakatingin kami sa 'yo, Pangulong Bongbong Marcos."


"Inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin, kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan natin, na tutuparin mo ang iniuutos naming mga employer mo! Kami ang nagpapasahod sa inyo, tapos na ang panahong natatakot tayo sa gobyerno," dagdag pa niya. 


Tinuligsa rin niya ang dating kaisipan na ang mga mamamayan ay kailangang matakot sa gobyerno—ngayon daw, panahon na upang ang gobyerno ang matakot sa taong bayan.


Isa pang kontrobersyal na panukala ang isinalang ni Vice sa kanyang talumpati—ang pagbabalik ng death penalty para sa mga mapapatunayang korap. Ayon sa kanya, hindi sapat ang pagkakakulong lang sa mga magnanakaw ng pondo ng bayan. 


"Ikulong ang mga magnanakaw. Para nga sa’kin, hindi sapat ang kulong eh. Dapat patayin ang mga korap na magnanakaw. Ibalik ang death penalty para sa mga korap,para patayin ang mga magnanakaw, ikulong pati pamilya nila!" ayon pa sa kanya.


Hindi na bago ang pagiging vocal ni Vice Ganda pagdating sa mga isyung panlipunan. Kilala siya hindi lang bilang isang komedyante, kundi bilang isa ring responsableng mamamayan. Kamakailan lang, kinilala siya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang isa sa mga top taxpayers mula sa industriya ng media at entertainment—isang patunay na ginagawa niya ang kanyang bahagi bilang Pilipino.


Sa kabuuan, ang mensahe ni Vice Ganda ay malinaw at matapang: Panahon na upang managot ang mga kurap. Panahon na ng pagbabago. Panahon na ng taumbayan.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo