Matapos ang mahabang pananahimik sa social media, muling narinig ang tinig ng aktres at humanitarian na si Angel Locsin, na kilala rin sa bansag na “real-life Darna”. Sa kanyang Instagram story, naglabas ng saloobin si Angel kaugnay ng mga malawakang protesta laban sa korapsyon, lalo na sa isyung kinakaharap ng ilang flood control projects sa bansa.
Hindi nag-atubili si Angel na ipahayag ang kanyang pakikiisa sa mga Pilipinong naninindigan para sa katotohanan at hustisya. Ayon sa kanyang mensahe, nabigyan siya ng lakas ng loob upang muling magsalita dahil sa patuloy na laban ng mga kababayan nating nagsusulong ng pagbabago.
"Today, I'm breaking my social media silence. To all Filipinos fighting corruption—may God give you more strength to keep going," ani Angel sa kanyang post.
Ibinahagi rin niya na habang pinapanood niya ang mga pagdinig sa Senado at Kongreso, hindi niya maiwasang balikan ang mga kwento ng mga taong humingi ng saklolo noong kasagsagan ng matitinding pagbaha.
Aniya, "Watching the hearings, I couldn't help but remember the messages and news of people begging for help. Families with homes washed away, parents who lost their work, lives lost to floods/typhoons. Naiiyak ako sa galit. kasi pwede pa lang hindi sila naghirap. Pwede pa lang walang nasaktan. Pwede pa lang walang namatay."
Ipinaramdam ni Angel ang bigat ng kanyang damdamin—hindi lamang dahil sa trahedya, kundi sa ideya na ito sana ay maaaring naiwasan kung naging tapat ang mga nasa kapangyarihan.
Ayon sa kanya, "Ang bigat. Nakakapanghina yung ganitong kasamaan. Pero ms nakakapanghina kung mananahimik lang tayo. Kaya we keep speaking, we keep fighting. For truth. For justice. For change. No politics. Para sa tao."
Matatandaang naging low-profile si Angel Locsin simula nang matapos ang 2022 national elections. Nagpahinga siya mula sa mundo ng showbiz at social media, at nanahimik sa mga isyung pampulitika at panlipunan. Sa katunayan, hindi siya aktibo sa anumang plataporma hanggang sa lumabas siya muli nitong Enero, nang maibalik sa kanya ang kanyang X (dating Twitter) account matapos itong ma-hack.
Bagamat hindi na aktibo sa mga palabas at teleserye, nananatiling matibay ang presensya ni Angel sa puso ng maraming Pilipino. Sa tuwing may krisis, kadalasang isa siya sa mga unang tumutulong—mapa-pagkain man, donasyon, o personal na pagdalaw sa mga nangangailangan.
Ang kanyang pagbabalik sa diskurso online ay isang paalala na hindi natutulog ang tunay na malasakit. At sa panahon ng pagbulgar ng mga katiwalian sa gobyerno, ang boses ni Angel Locsin ay muling nagsilbing lakas para sa marami—lalo na sa mga nawalan ng pag-asa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!