Sa kasalukuyan, patuloy pa ring mainit na pinag-uusapan sa social media, lalo na sa X (dating Twitter), ang aktres na si Kathryn Bernardo. Marami sa kanyang tagasubaybay at maging ang mga kritiko ay nagtatanong kung bakit tila tahimik siya sa gitna ng sunod-sunod na kilos-protesta laban sa katiwalian sa bansa.
Hindi maikakaila na isa si Kathryn sa mga pinaka-maimpluwensiyang artista ng kanyang henerasyon. Kaya naman, maraming netizen ang nagtatanong kung bakit hindi ito nakikita sa mga rally o nagbibigay ng pahayag tungkol sa isyu ng korapsyon na ngayon ay sentro ng pambansang diskurso.
Ilan sa mga komento ng mga netizen ay nagpapahayag ng pagkadismaya.
Ayon sa isang post, “You are so loved by the people Kathryn kasi binubuhay mo ang mga istorya nila sa pamamagitan ng mga proyekto mo. Saan ka ngayon?”
May isa ring nagsabi na, “The fact that people are always looking for and asking Kathryn to speak up on important issues indicates that her platform is really needed, making her silence all the more disappointing. She has absolutely nothing to lose if she ever speak up. Stop making excuses for her.”
Ayon pa sa ilang netizens, ang katahimikan ng aktres ay tila nakakabigla, lalo na’t kilala siya sa pagkakaroon ng malawak na social media presence at malaking fanbase.
“Next to Anne Curtis, si Kathryn Bernardo ‘yung next na may biggest following sa Instagram yet you can’t see her speak up or join rallies like this. What’s the use of her platform if she stays silent and out of touch? Palagi na lang ba siyang need i-call out na lagging walang kusa?” ayon sa isa pang tweet.
May ilan ding nagpahayag ng pagkadismaya sa kanyang kawalan ng aksyon. “Kalahati ng buhay ko fan ako ni Kathryn. Nakakalungkot na hindi siya nagsasalita,” saad ng isa.
Gayunpaman, hindi lahat ay sumang-ayon sa ganitong pananaw. May mga netizen din ang umaalma sa tila paninisi kay Kathryn. Para sa kanila, hindi patas na ituon sa kanya ang sisi o pressure na magsalita, lalo na’t hindi naman siya sangkot sa anumang anomalya. "Bakit parang si Kathryn pa ang may kasalanan? Bakit hindi doon sa tunay na mga nagnanakaw ang galit ng tao?" tanong ng isang netizen.
Sa kabila ng pananahimik ni Kathryn, pinasalamatan naman ng ilan ang kanyang pamilya na aktibong lumahok sa mga naganap na kilos-protesta. Kumalat sa social media ang ilang larawan nina Mommy Min Bernardo at iba pang kaanak ng aktres na namimigay ng pagkain at inumin sa mga dumalo sa rally. Para sa iba, ito ay patunay na kahit hindi personal na nagpakita si Kathryn, may pagkilos pa rin mula sa kanilang hanay.
Ang sitwasyong ito ay muling nagbigay-liwanag sa tanong kung ano nga ba ang papel ng mga celebrities pagdating sa mga isyung panlipunan. Dapat ba silang magsalita? May obligasyon ba silang makilahok sa mga isyung politikal? O may karapatan din silang manahimik at pumili ng sarili nilang paraan ng pakikiisa?
Habang patuloy na lumalalim ang usapin tungkol sa katiwalian at panawagan ng pagbabago sa gobyerno, marami pa rin ang umaasang maririnig ang boses ng mga iniidolo nila. At sa kaso ni Kathryn Bernardo, ang tanong ng madla ay nananatili: bakit tahimik ang tinig ng isa sa pinakamatunog na pangalan sa industriya?
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!