Naglabas ng isang bukas na liham ang pamunuan ng mga programang Rated Korina at Korina Interviews na nakatuon kay Pasig City Mayor Vico Sotto. Ito ay bilang tugon sa naging Facebook post ng alkalde na nagsabing nagbayad umano ng halagang P10 milyon ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya para sa panayam nila sa beteranang mamamahayag na si Korina Sanchez, na ipinalabas sa Kapamilya Channel at NET25.
Bahagi ng naturang liham ang paglilinaw na ang pakikipanayam ni Korina sa mag-asawang Discaya ay alinsunod lamang sa normal na format ng kanilang mga palabas at hindi kailanman idinisenyo upang maging imbestigatibong ulat. Anila, pangunahing pamantayan ng kanilang programa ang pagpili ng mga paksa at panauhing may kwento at interes na makatutulong sa mas nakararami. Dagdag pa, mahigpit nilang ipinagbabawal ang paggamit ng kanilang platform para sa paninira o paninira ng reputasyon ng ibang tao o negosyo.
Binigyang-diin din ng produksyon na maraming personalidad na mula sa iba’t ibang larangan, kabilang na ang mga kilalang pulitiko at public figures, ang naitampok na nila sa paglipas ng mga taon. Binanggit nila na maging ilang kaanak ni Mayor Vico tulad nina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Pasig Vice Mayor Gian Sotto, at MTRCB Chairperson Lala Sotto ay nakapanayam na rin ni Korina sa kanyang mga programa.
Kaugnay ng feature kay Sarah at Curlee Discaya, ipinaliwanag ng pamunuan na ang intensyon lamang ay maibahagi ang kwento ng mag-asawa tungkol sa kanilang pagsusumikap mula sa simpleng pamumuhay hanggang sa tagumpay sa negosyo. Hindi umano ito ginawa upang siyasatin ang kanilang mga pahayag. Dagdag nila, kung mayroong mga mali o hindi totoo sa kwento ng mga Discaya, tungkulin ng sinumang nag-aakusa na ipakita ang katibayan, at handa silang magbigay ng airtime upang maituwid ito kapag napatunayan.
Sa liham, nilinaw rin na walang kinalaman si Korina sa pagpili ng mga panauhin bago ang mismong araw ng panayam, at doon lamang niya nalaman na ang kanyang kausap ay kandidato sa pagka-alkalde ng Pasig. Dagdag pa nila, ilang ulit silang nagtangkang makuha para sa panayam si Mayor Vico, at maging ang ina nito na si Coney Reyes ay naabisuhan tungkol sa feature ng mag-asawang Discaya, subalit tinanggihan umano nila ang kanilang imbitasyon.
Samantala, pinabulaanan ng management ang alegasyong may naganap na P10 milyon na bayaran para lamang sa panayam. Nilinaw nila na may mga pagkakataon na may kaukulang bayad ang ilang negosyo o personalidad kapalit ng exposure sa programa, ngunit ito ay katulad ng regular na advertisement na dumaraan sa tamang proseso at binibigyan ng resibo ng network. Anila, ang pahayag ni Mayor Vico ay may halong malisya at maituturing na paninirang puri o cyber libel.
Mariin nilang kinondena ang pagbibintang na ang kanilang programa ay tumatanggap lamang ng mga panayam na may kabayaran. Anila, hindi sila basta-basta nag-aakusa o nagpapalabas ng negatibong haka-haka laban sa kanilang mga panauhin, maliban na lamang kung may malinaw na ebidensya. Binigyang-halimbawa pa nila na hindi rin makatarungang isipin agad na may anomalya sa mga proyekto ng gobyerno ng alkalde base lamang sa paratang ng kanyang mga kalaban sa politika.
Dagdag pa ng liham, hindi dapat isipin ni Mayor Sotto na may kapangyarihan siyang diktahan ang desisyon ng mga mamamahayag pagdating sa kanilang mga editorial choices. Hindi rin daw makatarungan na sirain ang kredibilidad ni Korina Sanchez bilang beteranang journalist dahil lamang sa pagpapaunlak nito ng panayam sa mga kalaban niya sa politika.
Sa huli, sinabi ng pamunuan ng Rated Korina at Korina Interviews na hindi pinapayagang gamitin ng mga Discaya ang mismong video ng panayam para sa kanilang kampanya at kanila na itong aaksyunan sa legal na paraan. Ipinaliwanag din nilang tinanggal na nila mula sa kanilang mga opisyal na platform ang lahat ng panayam sa mga kandidato matapos ang halalan.
Tinapos ng liham sa paalala kay Mayor Vico na bagaman mahalaga ang kalayaan sa pagpapahayag, dapat din itong gamitin nang may pag-iingat at respeto para sa katotohanan at katarungan. Anila, kung tunay na Kristiyano ang lahat, nararapat lamang na pairalin ang patas at makataong pakikitungo sa isa’t isa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!