Diretsahang inamin ng Kapamilya actress at dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemate na si Xyriel Manabat na dumaan siya sa cosmetic enhancement—partikular sa pagpaparetoke ng kaniyang ilong. Sa halip na iwasan o itanggi, harap-harapang tinugunan ni Xyriel ang usapin sa social media, dahilan para umani siya ng papuri sa pagiging totoo at walang pretensiyon.
Sa isang Instagram post na ibinahagi niya noong Linggo, Oktubre 26, napansin ng isang netizen ang kanyang larawan at nagkomento na tila pinupuri ang kanyang natural na ganda. Sa komento ng netizen, sinabi nitong, “Pure beauty no retoke, sharawwwt team raht-bo.” Ngunit sa halip na manahimik o magpasalamat lang, diretsong itinama ni Xyriel ang sinabi nito. Tugon niya, “Retokada po ilong ko.”
Hindi doon nagtapos ang usapan. Sumagot muli ang netizen, na tila nagpapaliwanag kung bakit niya nabanggit ang naturang komento. “Ayy soriii naman, hdi ko kase hilig mangalkal ng isyu haha,” sabi nito. Ngunit nanatiling kalmado at magalang si Xyriel, na sinabing hindi siya naapektuhan sa naturang puna. “It’s okay, compliment po ‘yan for me. LABYU HAHAHAHAHA THANKS,” ang magaan niyang sagot.
Maraming netizens ang humanga sa paraan ng pag-handle ni Xyriel sa sitwasyon. Sa halip na makipag-away o magpaliwanag nang mahaba, pinili niyang sagutin ito nang may respeto at positibong pananaw. Ayon pa sa ilan, patunay lamang ito ng kanyang maturity at self-confidence sa kabila ng mapanghusgang mundo ng social media.
May ilan ding tagahanga ang nagtanggol sa aktres laban sa tila “shady” na komento ng netizen. May mga nagsabi na hindi dapat gawing isyu ang pagpapaayos ng mukha, lalo na kung nakapagbibigay ito ng kumpiyansa sa sarili ng isang tao. “Issue ba talaga pag retokada yung tao?” tanong ng isa. Isa pa ang nagkomento, “Hindi hilig mangalkal ng issue? Eh bakit may pinapatamaan ka sa comment mo?”
Dahil dito, muling napag-usapan sa social media ang isyu ng cosmetic surgery at kung bakit marami pa ring nakikita itong negatibo. Para sa iba, ang pagpaparetoke ay personal na desisyon at hindi dapat ikahiya. Sa kaso ni Xyriel, marami ang humanga dahil sa kanyang katapatan at pagiging proud sa kung anong desisyon ang kanyang ginawa para sa sarili.
Bilang isang public figure, si Xyriel Manabat ay hindi bago sa mga mata ng publiko. Mula sa pagiging child star hanggang sa pagiging ganap na aktres, nakasabay siya sa mga pagbabagong dala ng showbiz at social media. Maraming tagasuporta ang nagsabing inspirasyon siya sa mga kabataan dahil sa kanyang confidence, authenticity, at pagiging totoo sa sarili.
Para sa iba, ang ginawa ni Xyriel ay isang pahayag ng empowerment—na walang masama sa pag-aalaga ng sarili o sa pagdesisyong magpaayos kung ito’y makatutulong para mas maging kumpiyansa ka sa iyong pagkatao. Sa halip na ikahiya, ipinakita niya na maaari kang maging maganda at proud sa kung sino ka—natural man o may tulong ng siyensya.
Ang insidenteng ito ay patunay na si Xyriel Manabat ay hindi lamang magaling na aktres, kundi isa ring babae na marunong tumindig sa katotohanan at ipakita ang kanyang tunay na sarili sa harap ng publiko.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!