Nag-viral kamakailan ang BINI, ang sikat na P-Pop girl group ng Star Music, matapos umani ng batikos mula sa ilang netizens dahil sa biro ng isa sa kanilang miyembro sa isang concert sa Davao City nitong nakaraang Sabado ng gabi.
Habang nagpe-perform sa entablado, nagkaroon ng light moment ang mga miyembro ng grupo nang magtanong ang kanilang leader na si Jhoanna Robles sa audience. Ani niya,
“May crocodile po ba rito? Kasi ‘di ba, Crocodile Park ‘to? Meron po?”
Agad namang sumagot ang mga Dabawenyo sa crowd ng sabay-sabay na “Meron!”
Ngunit matapos iyon, sumabat si BINI Maloi Ricalde ng biro:
“Ahhh! Actually, nandito sila… charot.”
Bagaman tila simpleng joke lamang, marami sa mga nanonood at netizens ang hindi natuwa sa kanyang pahayag. May ilan na agad itong inugnay sa politika, at binigyang-kahulugan bilang patama umano sa mga lokal na opisyal ng Davao.
Isa sa mga unang nag-react online ay si Ate Eka, na nag-post sa Facebook ng kanyang pagkadismaya. Ayon sa kanya,
“Mag-perform na lang kayo. Nandito pa naman kayo sa Davao, ‘di ba? Hindi na ako natutuwa. Tinanggap kayo ng mga taga-Davao nang maayos, kahit umuulan, hindi namin kayo iniwan. Pero ganyan ang igaganti niyo? Mamumulitika pa kayo?”
Dagdag pa niya,
“Maging propesyonal kayo. Binayaran kayo, at hindi mura ang ticket. Respeto naman sa mga nanood.”
Sa parehong post, tinanong pa ni Eka si Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kung ano ang masasabi nito tungkol sa biro ng BINI member.
Hindi pa doon natapos ang kanyang hinaing. Direkta pa niyang hinarap si Maloi sa kanyang post,
“Linawin mo nga yang sinabi mong, ‘Actually, andito sila…’ Huwag ninyo kaming bastusin, dahil hindi namin kayo binastos kahit alam naming pinklawan kayo!”
Ayon pa kay Eka, isa sa mga dahilan kung bakit daw hindi siya pinayagang magpa-picture kay Maloi ay dahil siya ay DDS o Diehard Duterte Supporter.
Ang isyung ito ay mabilis na umani ng halo-halong reaksyon sa social media. Habang may mga netizens na sumang-ayon kay Eka at tinawag na “hindi sensitibo” ang joke ng BINI member, marami rin ang dumipensa kay Maloi, sinabing wala naman itong masamang intensyon at light-hearted humor lamang ang pahayag.
Ayon sa mga tagahanga ng BINI, hindi dapat agad husgahan ang grupo base lamang sa isang biro. Ipinaliwanag din nila na ang venue ng concert ay sa Davao Crocodile Park, kaya posibleng literal lang ang pagkakabanggit ni Jhoanna at Maloi sa salitang “crocodile.”
Gayunpaman, nanatiling mainit ang diskusyon online. Ang ilan ay nanawagan na maging maingat ang mga artista sa mga pahayag nila sa entablado, lalo na kung nagpe-perform sa mga lugar na may sensitibong political climate.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang BINI management o ang mga miyembro mismo ukol sa isyu.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!