Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Ricky Avanceña, isa sa mga apo ng dating Pangulong Manuel L. Quezon, hinggil sa bagong pelikulang “Quezon” na idinirehe ni Jerrold Tarog. Ang pelikula ay huling bahagi ng “Bayaniverse Trilogy” ng TBA Studios, na kilala rin sa mga obra tulad ng “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral.”
Ayon kay Avanceña, tatlong beses na niyang napanood ang pelikula at muli siyang sumali sa question and answer session kasama ang direktor. Sa kanyang Facebook post noong Biyernes, Oktubre 10, ibinahagi niya ang kanyang karanasan at hindi pagkakasiya sa paraan ng paglalarawan sa kanyang lolo sa nasabing pelikula.
Kwento niya, tinanong niya si Direk Tarog kung ang pelikulang “Quezon” ba ay isang political satire o hindi.
“My only question was to the Director Jerrold Tarugo. ‘Was this film political satire or not?’ He said yes but tried to wiggle away from the question,” ayon sa kanyang post.
Dagdag pa ni Ricky, tila umiwas umano ang direktor sa malinaw na pagsagot at nagbigay lamang ng mga palusot. Kesyo dis kesyo dat. Sabi ko, ‘Satire, may definition, (parang fortwith), satire, di nagbibiro lang pala kayo?” aniya, na may halong pagkadismaya.
Ayon pa sa kanya, habang nagaganap ang talakayan, biglang tumayo si Jericho Rosales, na gumanap bilang Manuel L. Quezon sa pelikula, at hiniling sa kanya na tumigil sa pagsasalita upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang audience na magtanong.
“At this point Jericho Rosales stood up and told me to stop talking,” pagpapatuloy niya.
“That other people had questions. So ayaw nila marinig ang opinyon ng isang direct descendant?” mariing tanong ni Ricky.
Dahil dito, naglabas siya ng sama ng loob at sinabi, "Nilalako nila ang pambababoy sa alaala ng mga taong patay, at di nila ako hahayaan na magpahayag ng damdamin at ipagtanggol sila? [...] Well ang ending, sabi ko, 'Sige, but allow me to channel my Lolo. Punyeta, mga kupal kayo!'"
Bagaman galit ang naramdaman niya sa ilang bahagi ng pelikula, nilinaw din ni Ricky na hindi niya pinipigilan ang publiko na panoorin ito. Sa halip, hinimok pa niya ang mga tagasuporta ni Quezon na panoorin ang pelikula at sabay na ipagtanggol ang legacy ng dating pangulo sa social media.
“Watch it, and then join me in a social media defense mga Quezon followers. Nobody said he was a hero, so labas siya sa kabaduyan ng ‘Bayaniverse’. He was a President — the best ever, most incorruptible,” dagdag pa ni Avanceña.
Ang pelikulang “Quezon” ay sinasabing tumatalakay sa buhay ng dating pangulo, kabilang ang kanyang mga desisyon, adbokasiya, at mga kontrobersiyang humubog sa kanyang pamumuno. Gayunpaman, para sa pamilya Quezon, tila hindi naging patas ang representasyon ng karakter ng kanilang ninuno.
Si Manuel L. Quezon ay itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa at unang pangulo ng Commonwealth Government ng Pilipinas. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, sinimulan ang pagsulong ng wikang pambansa bilang bahagi ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Bago pa man siya maging pangulo, nakipaglaban din siya sa Philippine-American War noong 1899, bagay na nagpatunay ng kanyang makabayang paninindigan.
Sa ngayon, patuloy na umaani ng magkahalong reaksyon ang “Quezon” — may mga humahanga sa pelikula bilang sining, ngunit mayroon ding mga nagdududa sa katumpakan ng historical portrayal nito.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!