Isang makabuluhang araw ang ipinagdiwang ng batikang komedyanteng si Ai-Ai delas Alas kamakailan—ang tinawag niyang “freedom day,” eksaktong isang taon mula nang tuluyan silang maghiwalay ng dating asawang si Gerald Sibayan.
Sa isang emosyonal na post sa kanyang social media account, ibinahagi ni Ai-Ai ang kanyang pinagdaanan matapos ang paghihiwalay. Ani niya, hindi naging madali ang mga panahong iyon, lalo’t inaakala niyang si Gerald na ang makakasama niya habambuhay.
“It’s been a year since the person I thought I’d spend forever with left me. I was lost, confused, and didn’t know where to start,” saad niya. “But in the middle of the pain and silence, you were all there—those who stayed, listened, and prayed for me. Thank you.”
Una niyang kinumpirma ang hiwalayan sa isang panayam kasama si Boy Abunda, kung saan inamin niyang si Gerald mismo ang nagpaalam sa kanya sa pamamagitan ng isang mensahe noong Oktubre 14. Isa sa mga dahilan umano ng dating asawa ay ang kagustuhang magkaanak, bagay na matagal na rin nilang pinag-uusapan.
Ayon kay Ai-Ai, ilang beses na silang sumubok ng in vitro fertilization (IVF) ngunit palaging nauuwi sa kabiguan. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, hindi pa rin sila biniyayaan ng anak, at dito na raw unti-unting nagbago ang ihip ng hangin sa kanilang relasyon.
Bagamat hindi niya direktang inakusahan si Gerald ng pagtataksil, nagbitiw siya ng pahayag na tila may halong kutob:
“Ramdam ko na may iba na,” ani ng aktres, na tila nagpapahiwatig ng pagdududa sa katapatan ng dating asawa.
Gayunpaman, sa kabila ng sakit at pagkabigo, pinili ni Ai-Ai na tahakin ang landas ng pagpapatawad at pasasalamat. Aniya, sa tulong ng kanyang mga kaibigan, mga pari, mga kasama sa Zumba at gym, at lalo na ng kanyang anak na si Sancho Vito delas Alas, unti-unti siyang bumangon at muling nakahanap ng lakas.
Isang partikular na komento ang tumatak sa kanya, na siyang naging sandigan niya sa mga panahong madilim:
“When I read a comment that said, ‘He’s just one person, but there are millions of us who love you,’ I held on to that. Amen,” Ani Ai-Ai, ito ang isa sa mga linyang nagpatatag sa kanya at nagpaalala ng kanyang halaga.
Ngayon, habang tinatanaw niya ang mga pinagdaanan, dala-dala pa rin niya ang pananampalataya sa Diyos at ang pag-asang mas maganda ang mga darating. Ang kanyang “freedom day” ay hindi lang pag-alala sa isang masakit na alaala, kundi isang paalala ng kanyang katatagan bilang babae, ina, at artista.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!