Nagulat ang Kapamilya actor na si Jake Cuenca nang makarating sa kanya ang balitang ikakasal na umano ang matalik niyang kaibigan na si Gerald Anderson sa aktres na si Julia Barretto.
Sa ginanap na grand media conference para sa bago niyang suspense-drama series sa ABS-CBN na pinamagatang What Lies Beneath, natanong si Jake tungkol sa usap-usapang kasalan na nakatakda raw mangyari sa susunod na taon sa General Santos City, na hometown ni Gerald.
Hindi maitago ni Jake ang kanyang pagkabigla:
“Wow! Really? Oh my God! Ngayon ko lang nalaman ‘yon! Totoo ba? Are we 110% sure or tsismis pa lang ito?” sabay tawa niya.
Dagdag pa niya, plano niyang tanungin mismo si Gerald upang makumpirma ang balita.
“Well, I have to ask Gerald personally about it. Best friend ko naman siya,” wika niya.
Biro pa ni Jake, tila nagtataka siya kung bakit hindi siya ang naisip na gawing Best Man.
“Sandali lang, hindi ako ang Best Man? Magmo-motor kami, I have to find out and I will update you guys,” sabi pa niya.
Nang tanungin kung willing ba siyang maging bahagi ng entourage sakaling magkatotoo ang kasal, walang pag-aalinlangan ang sagot ng aktor.
“Kay Gerald, oo! Kahit ring bearer pa, I will do it for him because he is my brother,” ani Jake.
Bukod sa pagkakaibigan nila ni Gerald, ibinahagi rin ni Jake na maayos ang relasyon nila ni Julia.
“Yes, okay kami ni Julia ever since. I’ve been rooting for them. Sa gitna ng mga naririnig ko tungkol sa kanila, I prayed for them, kasi bagay talaga sila sa isa’t isa,” dagdag pa niya.
Inamin rin ni Jake na nalaman niyang dumaan sa ilang pagsubok ang relasyon nina Gerald at Julia, pero masaya siya na nalagpasan nila ito.
“Alam ko may pinagdaanan sila, pero hindi na ako magbibigay ng detalye. Hindi na dapat sa akin manggaling ang kwento. Ayoko naman maging source ng pasabog,” pag-iwas niya sa mga sensitibong detalye.
Bagamat hindi pa kumpirmado mula sa mismong bibig ng couple, kitang-kita ang suporta ni Jake sa kanilang pagmamahalan. Ipinahayag niya ang paghanga sa relasyon ng dalawa at ang kagustuhang makasama sa mahalagang yugto ng buhay ng kanyang kaibigan, kung sakaling totoo nga ang balita ng kasal.
Ang What Lies Beneath, ang inaabangang serye ni Jake, ay inilunsad na rin sa media, at tila mas magiging abala siya sa mga susunod na buwan — pero kung may kasal ngang magaganap, handa siyang maglaan ng oras para sa matalik na kaibigan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!