Hindi lang ang red carpet at glamorous na mga kasuotan ang pinag-usapan sa GMA Gala 2025—pati ang eksenang hindi nakita ng mga audience sa loob ng tech booth ay nag-trending na rin sa social media. Sa isang live vlog na ibinahagi ng kilalang voice talent at content creator na si Inka Magnaye, inilahad niya ang tunay na nangyari sa likod ng entablado ng prestihiyosong event.
Ang naturang video na ini-upload niya sa kanyang Facebook account ay mabilis na kumalat, na ngayon ay may mahigit 880 shares. Si Inka, na siyang nagsilbing moderator at voice-over (VO) host ng gabi, ay nagbahagi ng dalawang bahagi ng kanyang vlog—at doon nakita ang hindi inaasahang aberya at tensyon na kinaharap ng kanilang team.
Parte 1: Confetti Chaos
Sa unang bahagi ng vlog, tila maayos pa ang lahat. Ngunit habang tumatakbo ang programa, paulit-ulit na maririnig ang boses ng direktor na si Paolo Valenciano sa headset na sinasabi,
“O confetti, confetti! More music! Bakit sa isang side lang ang confetti? Anyare?”
Kahit halatang stress na ang direktor, sinikap pa rin nina Inka at ng buong team na manatiling kalmado. Sa halip na ma-pressure, napatawa na lang si Inka habang nilalarawan ang eksena bilang “organized chaos,” sabay zoom-in sa facial expression ni Direk Paolo, na makikita talagang tensyonado.
Parte 2: Mic Malfunction
Sa ikalawang bahagi ng vlog, lalong uminit ang tensyon. Matapos ang production number, dapat sanang magsabi si Inka ng cue na,
“You may now take your seats.”
Ngunit walang lumabas na tunog mula sa mikropono. Ayon sa vlog, makikitang pinipilit ni Inka na kumpunihin ang mic sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagtapik dito, habang sinusubukang manatiling composed. Samantala, maririnig si Direk Paolo na nagsasabi ng,
“Walang mic, vo-vo!”
at nag-uutos sa tech team na ayusin agad ang audio.
Habang ang mga bisita ay nakatayo lamang at tila litong-lito, ang buong tech booth naman ay nagkakandarapa sa pag-aayos ng problema. Walang naririnig sa audience, kaya't mistulang tumigil ang buong programa sandali.
Sa kanyang caption, ibinahagi ni Inka na ito ang mga sandaling napapaisip siya sa kahalagahan ng voice-over talent sa mga ganitong klaseng event. Aniya,
“Times like this make me realize what an essential part of the show a VO (voice over) can be. As mentioned earlier, we are like shepherds, guiding the attendees along the flow of the event.”
Makikita rin sa video ang pasigaw na utos ni Direk Paolo:
“Any mic, any mic!”
Habang tuloy pa rin ang tech team sa paghahanap ng solusyon. Sa huli, isang lalaki ang sumalo sa VO at nagsalita gamit ang ibang mikropono—saka pa lamang pinaupo ang audience.
Ang insidenteng ito ay muling nagpapaalala sa lahat na hindi lahat ng nangyayari sa isang engrandeng event ay perpekto. Sa kabila ng engrandeng gown, makeup, at spotlight, may mga unsung heroes sa likod ng camera na nagsisigurong maayos ang takbo ng buong palabas—at isa na roon si Inka Magnaye.
Mula sa confetti na hindi pantay ang bagsak hanggang sa mikroponong biglang nawalan ng tunog, pinatunayan ng team na ito na ang tunay na professionalism ay makikita kung paano mo hawakan ang mga aberya.
Tunay ngang kahit sa likod ng kamera, may sarili ring kwento ng tensyon, tawanan, at pagkakaisa—na kadalasan, hindi napapansin ng karamihan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!