Buong tapang na inihayag ng komedyante at TV host na si Vice Ganda ang kanyang opinyon ukol sa isyu ng katiwalian sa pamahalaan. Sa isang talumpati na kanyang ibinigay sa ginanap na Trillion Peso March noong Linggo, Setyembre 21, sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City, mariin niyang ipinunto na panahon na raw upang isulong muli ang pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty, lalo na sa mga tiwaling opisyal na napatunayang nagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang Trillion Peso March ay isang kilos-protestang nilahukan ng iba’t ibang personalidad mula sa larangan ng entertainment, social media, at ordinaryong mamamayan. Layunin nitong ipanawagan ang hustisya at panagutin ang mga nasa likod ng umano’y malawakang korapsyon sa gobyerno, kabilang na ang mga proyektong pinondohan ng malaking halaga ng buwis ng taumbayan.
Isa si Vice Ganda sa mga prominenteng personalidad na dumalo at nagsalita sa nasabing rally. Sa kanyang talumpati, hindi siya nagpatumpik-tumpik at deretsahang sinabi na hindi sapat ang simpleng pagkakakulong para sa mga magnanakaw sa gobyerno.
"Ikulong ang mga magnanakaw. Para nga sa’kin, hindi sapat ang kulong eh. Dapat patayin ang mga korap na magnanakaw. Ibalik ang death penalty para sa mga korap,para patayin ang mga magnanakaw, ikulong pati pamilya nila!", pahayag niya na ikinagulat ngunit pinalakpakan ng mga dumalo.
Hindi rin naiwasan ni Vice Ganda na magbiro sa gitna ng kanyang seryosong panawagan. Habang binibigkas ang kanyang saloobin, tinawag niya ang pansin ng isang pari na nasa entablado at aniya’y “Ipagdasal mo na lang ako, Father,” dahil alam niyang taliwas sa turo ng Simbahan Katolika ang parusang kamatayan. Sa kabila nito, nanindigan pa rin si Vice sa kanyang paniniwala, lalo na sa harap ng tila walang katapusang isyu ng korapsyon sa bansa.
Ayon sa kanya, hindi makatarungan na ang karaniwang mamamayan ang naghihirap at nagsusumikap sa gitna ng krisis at mataas na presyo ng bilihin, habang ang ilang opisyal ng gobyerno ay nagpapasasa sa pera ng bayan. Giit niya, kung may matitinding kaparusahan sa mga kurap, maaaring magsilbi itong aral o babala sa iba pa.
“Ang pera ng bayan, para sa bayan. Kapag ninakaw mo ‘yan, dapat maranasan mo ang pinakamabigat na parusa,” dagdag pa ng Unkabogable Star.
Marami sa mga netizen at dumalo sa rally ang sumang-ayon sa mga sinabi ni Vice Ganda. Sa social media, umani ng papuri ang kanyang pagiging prangka at matapang na paninindigan. Gayunpaman, may ilan ding nagpahayag ng agam-agam at pagtutol sa ideya ng death penalty, lalo na’t maraming beses na itong kinuwestiyon dahil sa posibilidad ng maling parusa at kawalan ng pantay-pantay na hustisya sa bansa.
Sa kabila ng magkakaibang opinyon, isa lang ang malinaw: isa si Vice Ganda sa mga artistang ginagamit ang kanyang boses hindi lamang para sa libangan, kundi para rin sa mga isyung may kinalaman sa kapakanan ng bayan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!