Nagsalita na ang aktres na si Shuvee Etrata matapos muling kumalat online ang isang lumang TikTok video kung saan makikita siyang emosyonal habang nagbibigay ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Umani ng matinding reaksiyon sa social media ang naturang video, na nagdulot ng pagkadismaya sa ilang netizens.
Sa isang bagong post kamakailan, nagpasalamat si Shuvee sa mga patuloy na sumusporta sa kanya ngunit humingi rin siya ng paumanhin sa mga taong nasaktan o nadismaya sa kanyang dating mga pahayag.
“Bago lang po lahat to sa akin. Kaya pasensya na po sa lahat ng na-disappoint at nasaktan ko… I understand that what I said in the past caused hurt to some and I take responsibility for it,” pahayag ng aktres.
Aminado si Shuvee na hindi siya sanay magbigay ng komento tungkol sa politika, dahil alam niyang ito ay sensitibo at madalas nagiging sanhi ng pagkakahati-hati ng opinyon ng publiko. Gayunpaman, sinabi niyang sa paglipas ng panahon ay mas naging malinaw sa kanya ang kahalagahan ng paninindigan laban sa mga isyung nakaaapekto sa bansa.
“Ang mas mahalaga sa akin ngayon ay ang mahalin ang bayan at manindigan laban sa sumisira nito tulad ng korapsyon. Lalo na po ngayon,” dagdag pa niya.
Sa viral na TikTok clip, makikitang emosyonal si Shuvee habang ipinapahayag ang kanyang pasasalamat sa mga programa ni Duterte, partikular sa kampanya kontra ilegal na droga. Ibinahagi rin niya ang naging epekto ng dating pangulo sa kanilang lugar.
“Naiyak talaga ako kagabi. Empath kasi ako. Kasi sa lugar namin, ang laki ng naitulong ni PRRD. Like, ang drugs talaga, guys—ang laki niyan na thing. Ewan ko lang sa inyo pero nagpapasalamat talaga ako kay Duterte,” ani Shuvee sa video.
Sa kabila ng mga batikos, nilinaw ni Shuvee na bukas siya sa pagkatuto at sa mas malawak na pag-unawa. Aniya, handa siyang magbago, makinig, at magpakatotoo sa kanyang prinsipyo.
“Natuto na po ako. Lalawakan ko pa po ang pag-iisip ko para sa ating lahat. I will continue to learn and grow,” sabi pa niya.
Idinagdag ni Shuvee na hindi niya layuning makasakit o manghati ng pananaw ng mga tao. Sa halip, gusto lang niyang magpakatotoo sa kung ano ang nararamdaman at pinaniniwalaan niya noon, habang sinisikap niyang maging mas bukas ngayon sa iba’t ibang perspektibo.
“Ang mahalaga ay natututo tayo. Lahat tayo may karapatang magbago ng pananaw habang lumalawak ang ating karanasan at pang-unawa. Sa huli, ang nais ko lang ay makiisa sa mga Pilipino sa hangarin nating magkaroon ng mas maayos na kinabukasan,” pagtatapos ni Etrata.
Sa gitna ng kontrobersya, pinili ni Shuvee Etrata ang maging tapat sa sarili at humarap sa publiko nang may kababaang-loob. Sa kanyang mga pahayag, makikita ang kanyang kagustuhang magbago, matuto, at higit sa lahat, makiisa sa mga adhikain ng sambayanang Pilipino—malaya man ang bawat isa sa kanyang sariling paniniwala.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!