Patuloy ang pananalasa ng kilig-takot tandem nina Enrique Gil at Jane de Leon sa mundo ng streaming! Ang kanilang horror film na “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital” ay kasalukuyang nangunguna sa Top 10 Movies ng Netflix Philippines, patunay na patok na patok ito sa mga manonood.
Sa kabila ng hindi masyadong pag-arangkada ng pelikulang ito sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024, bumawi ito nang todo sa digital platform. Sa katunayan, pumalo ito sa Number 1 spot, tinalo pa ang isa pang trending animated film na “KPop Demon Hunters”, na kasalukuyang nasa pangalawang pwesto.
Isang screenshot ng rankings ang ibinahagi ng kilalang direktor na si Erik Matti sa kanyang Instagram account, bilang pasasalamat at pagmamalaki sa tagumpay ng pelikula. Ibinahagi rin niya ang kanyang saloobin patungkol sa naging performance ng pelikula noong ito’y ipinalabas sa mga sinehan.
Ayon kay direk Matti, hindi man ito masyadong nagningning noon sa takilya, naniniwala siyang isa ito sa mga pinakamagandang pelikulang ginawa nila sa MMFF. Aniya, “Without sounding like iam sour graping, or maybe i am, I really think our last year’s entry for MMFF2025, is the most accomplished of the entries I am saying it now because it’s already months later.
“Given what we set out to accomplish; a horror movie that doesn’t let up from the start to finish with all the screams and edge of your seat moments, i think we’ve accomplished what we wanted…”
Sa kanyang caption, hindi na rin naiwasan ni direk Matti ang maging emosyonal at mapagpakatotoo.
“We’re still number 1 at NetFlix for over 4 days now. I think people enjoy it. How i wish they discovered this way back when we showed it on the big scree, But we’ll take the love anywhere we can,” dagdag niya.
Hindi rin nagpahuli si Jane de Leon, na ibinahagi rin sa kanyang Instagram story ang tagumpay ng pelikula. Sa kanyang mensahe, lubos ang pasasalamat niya sa mga tumangkilik at patuloy na nanonood ng kanilang proyekto. “Number 1 sa Netflix Philippines! Thank you sa lahat ng nanonood, sa feedback at mga mensahe niyo. Keep streaming and… please, walang spoilers! Shhh…” pabirong paalala ni Jane.
Sa pelikula, ginampanan nina Enrique at Jane ang mga karakter na naligaw sa isang misteryosong ospital sa Taiwan, kung saan kakaibang mga pangyayari ang kanilang naranasan. Tagos sa buto ang kilabot at sabay ang kilig na hatid ng dalawa, bagay na lalong nagustuhan ng mga manonood sa digital platform.
Ang tagumpay ng “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital” sa Netflix ay isang malinaw na indikasyon na hindi dapat agad husgahan ang isang pelikula base lamang sa performance nito sa takilya. Sa panahon ngayon, kung saan mas maraming tao ang nanonood online, may pangalawang pagkakataon ang mga pelikula na magpakitang-gilas at maabot ang mas malawak na audience.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-akyat ng pelikula sa iba’t ibang trending charts, at tila hindi pa matatapos ang buzz sa paligid nito. Kaya sa mga hindi pa nakakapanood, mukhang ngayon na ang tamang panahon — pero ingat sa spoilers!
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!