Nagpahayag ng matinding pag-asa si Pasig City Mayor Vico Sotto na sa kasalukuyang imbestigasyon hinggil sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa ay mayroong mga makakalaboso at mapapanagot sa ilalim ng batas.
Binigyang-diin ng alkalde na hindi sapat na matapos lamang ang mga pagdinig sa Senado o Kongreso nang walang konkretong resulta. Ayon kay Vico, mahalaga na ang mga taong sangkot—mapa-opisyal man ng gobyerno, mga kontratista, suppliers, o maging mga politiko—ay masampahan ng kaso at makaranas ng karampatang parusa sa kanilang ginawang pag-abuso at pagkakasangkot sa katiwalian.
“Ang pinakamahalaga dito ay ang pananagutan. Hindi dapat matapos sa mga hearing at paglalantad lang ng pangalan. Kailangan, may makasuhan at makulong kung kinakailangan. Whether they are government officials, contractors, suppliers, politicians, or career officials—importante may managot,” mariin niyang pahayag sa panayam ng media.
Dagdag pa ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes, nakakalungkot ang mga pagkakataon kung saan ang isang malaking isyu ay mabibigyan ng pansin sa simula, ngunit kalaunan ay unti-unting nalilimutan ng publiko. Binigyang-diin niya na dapat manatili ang usapin sa kamalayan ng mga mamamayan hanggang sa tuluyang magkaroon ng hustisya at accountability ang mga taong nasa likod ng anomalya.
“Hindi pwedeng pagkatapos ng ilang buwan, tatahimik na lang ang lahat. Bilang Pilipino—ordinaryong mamamayan man, opisyal ng gobyerno, o miyembro ng media—huwag tayong pumayag na basta na lang mabaon sa limot ang isang napakalaking isyu. Kapag ganoon, paulit-ulit na lang tayong mabibiktima ng katiwalian,” dagdag pa niya.
Para kay Vico, hindi dapat maulit ang nakasanayan na siklo kung saan sa simula lamang nagiging mainit ang imbestigasyon at naglalabasan ang mga pangalan ng diumano’y sangkot, ngunit matapos ang ilang linggo o buwan ay nawawala na ang sigla ng usapin. Aniya, ang ugali ng mabilis na “paglaho” ng mga ganitong kaso sa alaala ng publiko ang nagiging dahilan kung bakit nananatiling malakas ang loob ng mga tiwaling opisyal at negosyante.
“Kailangan manatiling buhay ang isyu. Kailangan makasuhan ang dapat makasuhan. Kung walang mapapanagot, para na rin nating sinabi na okay lang magnakaw at manlamang basta may impluwensya o koneksyon,” ayon kay Mayor Vico.
Hinimok din niya ang media at publiko na huwag palampasin ang mga pangyayaring may kaugnayan sa flood control projects, dahil hindi lang pera ng taumbayan ang nakataya rito kundi pati na rin ang kaligtasan ng maraming Pilipino na palaging binabaha. Giit niya, ang dapat na layunin ng bawat flood control project ay protektahan ang mga kababayan laban sa pinsala ng kalamidad, at hindi gawing negosyo para lamang sa iilan.
Sa huli, muling binigyang-diin ni Mayor Vico ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga kasong maisasampa at mahahatulan, upang magsilbing babala at leksyon sa iba pang maaaring magtangka na abusuhin ang kaban ng bayan.
“Kung walang mananagot, walang matututo. Kung walang makakasuhan, uulit at uulit ang ganitong klase ng anomalya,” pagtatapos ng alkalde.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!