Car Dealer Ni Sarah Discaya, Sangkot Sa Smuggling Ng 2 Bugatti

Lunes, Setyembre 1, 2025

/ by Lovely


 Sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, muling naging laman ng usapan ang pangalan ng negosyanteng si Cezarah Rowena “Sarah” Discaya matapos masangkot ang isang auto dealer na kanyang pinagbilhan ng ilang mamahaling sasakyan. Ayon sa ulat, ang dealer na tinutukoy ay may dating kaso ng smuggling o pagpupuslit ng dalawang luxury Bugatti Chiron sports cars papasok ng bansa.


Sa naturang hearing, binanggit ni Discaya na ilan sa mga luxury vehicles na kanyang naipundar ay nagmula sa kumpanyang Frebel Enterprises and Auto Art. Dito pumasok si dating Senate President Tito Sotto at ipinaliwanag na ang nasabing kompanya ay dati nang nadawit sa mga kaso ng hindi tamang deklarasyon ng mga imported na sasakyan.


“Yung sinabi niya, pinagbilhan niya, yung Frebel Enterprises. Ito yung mga china-charge ng BOC, ng smuggled Bugatti, Chiron. Puro smuggled ang mga sasakyan nito. Undeclared, Mercedes-Benz, Porsche Boxster, kung ano-ano, 2022. Pero 2024, yung dalawang Bugatti, for your info,” ayon kay Sotto.


Samantala, nilinaw naman ni Discaya sa harap ng mga senador na hindi siya personal na nagmamay-ari ng Bugatti Chiron, taliwas sa ilang haka-haka na kumalat online. Gayunpaman, inamin niyang mayroon siyang koleksiyon ng 28 luxury cars—isang bagay na umani rin ng batikos mula sa publiko, lalo na sa gitna ng mga isyung kinahaharap niya kaugnay ng mga kontrobersyal na flood control projects.


Sa naging palitan ng tanong at sagot, tinukoy ni Senator Risa Hontiveros ang pagkakaiba sa bilang ng mga sasakyan na nauna nang lumabas sa media reports. Ayon sa mga naunang ulat, umaabot umano sa 40 luxury cars ang pag-aari ni Discaya. Kaya’t direkta siyang tinanong ni Hontiveros:


“And sabi n’yo po kasi sa kanila nu’ng interview, 40, ngayon 28. Ilan ba talaga ang sasakyan n’yo?”


Agad naman itong nilinaw ni Discaya at sinabing nagkaroon lamang ng kalituhan dahil sa bilang ng mga service vehicles na ginagamit ng kanyang mga empleyado. Ayon sa kanya, ang ilan sa mga iyon ay nakarehistro sa ilalim ng kumpanya at hindi dapat isama sa personal niyang koleksiyon.


“Kasi kasama pa ‘yung mga service car ng mga employees ko that is owned by the company.… 28 [total luxury cars],” pahayag ni Discaya.


Dahil dito, mas lalo pang naging mainit ang interes ng publiko sa lifestyle ni Discaya, na kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Para sa maraming netizens, nakakagulat at kahina-hinala na sa kabila ng kontrobersya, nananatiling maluhong ang koleksyon ng aktres-turned-contractor.


Bagaman mariing itinanggi ni Discaya na may kinalaman siya sa mga smuggled cars, hindi maikakailang nagdulot ito ng mas malalim na katanungan sa pinagmulan ng kanyang yaman at sa lawak ng kanyang impluwensya sa mundo ng negosyo at politika.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo