Mariing itinanggi ni dating senador at kasalukuyang aktor na si Ramon “Bong” Revilla Jr. ang pagkakasangkot sa isyu ng diumano’y maanomalyang flood control projects na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng pamahalaan.
Ang pangalan ni Revilla ay lumutang sa imbestigasyong isinagawa ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 23, matapos siyang isa sa mga idinawit ni dating District Engineer Henry Alcantara ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukod kay Revilla, binanggit din ni Alcantara sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, at ang kinatawan ng Ako Bicol Party-list na si Zaldy Co bilang mga umano’y tumanggap ng "kickbacks" at nakinabang sa mga "insertions" sa budget para sa flood control projects sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
Sa kanyang pahayag sa harap ng Senate committee, sinabi ni Alcantara na may utos umano sa kanya si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na maglaan ng bahagi ng pondo para sa kampanya ni Revilla sa darating na halalan sa 2025.
Ayon kay Alcantara, “Ayon kay (dating DPWH) Usec. (Roberto) Bernardo ang GAA insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng P300 million ay para kay Senator Ramon Bong Revilla Jr. na noon ay kumakandidato bilang senador para sa 2025 senatorial elections.”
Dagdag pa niya, “Sinabihan ako ni Usec. Bernardo na, ‘Henry kay Sen. Bong yan baka gusto mo tumulong sa kanya e dagdagan mo ang proponent ikaw na bahala!’”
Dahil dito, inamin ni Alcantara na tinaasan niya mula 25% hanggang 30% ang tinatawag na proponent share bilang anyo ng kanyang “pagtulong” sa kandidatura ni Revilla.
“Sinabi ko po kay Usec. Bernardo na ‘Sige po boss wala po problema!’ Kaya po imbes na 25% ay naging 30% ang naging proponent ng nasabing mga proyekto bilang tulong ko na din sa kandidatura ni Sen. Bong Revilla,” aniya.
Gayunpaman, agad nilinaw ni Alcantara na ang lahat ng impormasyon ay galing lamang kay Usec. Bernardo, at hindi niya kailanman nakausap nang personal si Revilla. “‘Yun po ay ayon kay Usec. Bernardo. Never ko pong nakakausap si Senator Bong Revilla, never po,” dagdag ng engineer.
Samantala, mabilis na itinanggi ni Bong Revilla ang mga paratang. Sa isang maikling panayam, mariin niyang ipinahayag ang kanyang panig.
“I deny. Wala po akong kinalaman diyan. I have nothing to do with any of that,” diin ng senador.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na tugon mula kina Senador Estrada, Senador Villanueva, at Rep. Zaldy Co ukol sa pagkakadawit ng kanilang mga pangalan sa parehong isyu.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado upang matukoy kung sino-sino ang tunay na nasa likod ng mga sinasabing anomalya sa flood control projects. Layunin ng Blue Ribbon Committee na papanagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot, lalo na kung ito ay ginamit para sa pansariling interes o kampanya sa pulitika.
Sa gitna ng mga batikos at ispekulasyon, umaasa ang publiko na magiging patas, malinaw, at mabilis ang takbo ng imbestigasyon upang mailabas ang buong katotohanan at maprotektahan ang kaban ng bayan mula sa mga mapagsamantalang opisyal.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!