Nagkaisa ang mga anak ng dating aktres na si Nadia Montenegro upang ipagtanggol siya matapos masangkot ang pangalan nito sa isang kontrobersyal na isyu ng diumano’y paggamit ng ipinagbabawal na gamot na tinalakay sa Senado. Sa kabila ng matinding batikos at malisyosong mga akusasyon, buong puso siyang sinuportahan ng kanyang mga anak na ngayon ay itinuturing siyang pinakamalaking lakas ng kanilang pamilya.
Sa pamamagitan ng Threads, nagbahagi ng mensahe si Ynna Asistio kung saan pinasalamatan niya ang lahat ng patuloy na nagbibigay ng tiwala at suporta sa kanilang ina. Ayon kay Ynna, maaaring sa paningin ng iba ay madaling puntiryahin si Nadia, subalit para sa kanila ay siya ang nagsisilbing pinakamalakas na sandigan.
“People may see our mom as an easy target but to us, she’s our greatest source of strength. At the end of the day, we don’t need the whole world to love our mom or to love us. We just need a few real ones who truly see her heart… In this fight, we choose to surround Mama with love, truth, and real support,” aniya.
Samantala, mas mahaba at mas emosyonal naman ang naging pahayag ng isa pang anak ni Nadia na si Alyssa Asistio. Sa kanyang Facebook post, ibinahagi niya ang matinding sakit na nararamdaman ng kanilang pamilya dahil sa nangyaring panghuhusga. Aniya, hindi kailanman mabubura ang pinsalang idinulot sa kanilang ina.
Ikinuwento ni Alyssa na ilang taon nang nagsilbi si Nadia bilang staff ni Senador Robin Padilla, kung saan buong puso nitong isinakripisyo ang malaking bahagi ng kanyang oras at personal na buhay.
“What was done to our mom will never, ever be erased… She gave up two years with us because of the job she was committed to. Even now, she continues to help others, because that’s who she is,” ani Alyssa.
Idinetalye pa niya kung paano halos araw-araw ay abala ang kanilang ina sa trabaho. Madalas daw itong umaalis ng bahay bago pa sila magising at dumarating naman nang gabi na tulog na ang kanyang mga anak. Hindi rin umano ito nagdadalawang-isip na sagutin ang mga tawag na may kinalaman sa trabaho, kahit na nasa gitna sila ng mga pagtitipon bilang pamilya.
Ipininta ni Alyssa ang malinaw na larawan ng pagiging tapat at dedikadong empleyado ng kanilang ina: “She was a loyal, responsible EMPLOYEE with a HEART! Bagyo sa Pilipinas, gera sa China Sea, lumubog ang bangka, nasunog ang gusali, abused children, may burol dito at may patay doon. She was freaking there! Ano akala niyo? Tumambay lang siya sa Senate, enjoying the aircon and sipping coffee?”
Sa huling bahagi ng kanyang post, hindi napigilan ni Alyssa ang kanyang hinanakit sa bansang tila hindi nagbigay ng sapat na pagpapahalaga sa lahat ng sakripisyong ginawa ng kanilang ina. “Ngayon, you return her to us broken, her name tarnished, her reputation shattered, her dignity crushed. ANG HIRAP MONG MAHALIN, PILIPINAS!”
Makikita sa magkakapatid na Asistio ang matibay na paninindigan para ipaglaban at ipagtanggol ang kanilang ina laban sa mga mapanirang alegasyon. Para sa kanila, higit pa sa isang artista o public figure, si Nadia Montenegro ay isang ina na buong buhay na nagpakita ng malasakit at dedikasyon, hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa kanyang tungkulin.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!