Hindi napigilan ng kilalang komedyante at TV host na si Vice Ganda na ilabas ang kanyang opinyon hinggil sa mga magulang na patuloy pa rin sa pagkakaroon ng maraming anak kahit na kapos na kapos na sila sa buhay.
Sa pinakabagong vlog episode ng “It’s Showtime” mainstay, kasama niya ang dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemate at Kapuso actress na si Shuvee Etrata, na nagsiwalat ng masalimuot na bahagi ng kanyang buhay-pamilya. Sa kanilang pag-uusap, napunta ang usapan sa responsibilidad ng mga magulang at epekto nito sa kinabukasan ng kanilang mga anak.
Ibinahagi ni Shuvee na isa sa pinakamabigat niyang dinadala ay ang pagiging isa sa siyam na magkakapatid sa isang pamilyang hirap na hirap sa pang-araw-araw na gastusin. Ayon sa aktres, hindi niya maiwasang magtanong kung bakit patuloy na nagkaroon ng anak ang kanyang mga magulang kahit halata naman daw na hindi sapat ang kanilang kinikita para mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang mga supling.
“‘Yun ‘yung naging parang hatred ko ba. Kasi, bakit ba ginawa kaming siyam? Kung hindi naman nila kaya, lima pa lang kami noon, hirap na kami. Tapos nag-anak naman sila nang nag-anak. Never silang tumigil. ‘Yun po ‘yung bubog ko,” emosyonal na pagbabahagi ni Shuvee.
Aminado ang aktres na matagal niyang kinimkim ang galit, ngunit sa pagdaan ng panahon, natutunan na rin niyang patawarin ang kanyang mga magulang. Sa katunayan, noong siya ay nasa loob pa ng Bahay ni Kuya, dito raw niya unang nailabas ang kanyang tunay na saloobin, at nagsilbi raw itong wake-up call para sa kanyang pamilya.
Dahil dito, hindi rin napigilang magbigay ng mas matapang na pananaw si Vice Ganda. Ayon sa kanya, kadalasan ay ipinapasa ng lipunan ang obligasyong “mahiya” sa mga anak, lalo na kung sila’y nagrereklamo o naglalabas ng saloobin laban sa kanilang mga magulang. Ngunit para kay Vice, dapat din umanong matutong mahiyang tunay ang mga magulang kapag hindi nila nagagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.
“Dapat talaga mahiya ‘yung mga magulang. Kasi ‘di ba laging sa lipunan mas nire-require ‘yung mga anak na mahiya sa kanilang mga magulang. Pero dapat ang mga magulang mahiya rin sa kanilang mga anak, lalo pa’t bata ka pa at wala ka pang kakayahang buhayin ang sarili mo,” saad ni Vice.
Dagdag pa ng “Unkabogable Star,” hindi dapat binabalewala ang epekto ng poor planning sa pamilya. Aniya, ang mga bata ay walang kasalanan sa kung paano sila ipinanganak at hindi dapat nila pasanin ang resulta ng desisyong hindi nila pinili.
“So, nakadepende ‘yung uri ng buhay mo sa kung anong uri ng buhay ang ibibigay sa ‘yo ng mga magulang mo. Kaya kung lumaki kang ang hirap-hirap ng estado mo, kagagawan ‘yun ng magulang. Kaya dapat nahihiya rin ‘yung magulang,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng pagiging emosyonal ng usapan, layunin nina Vice at Shuvee na muling buksan ang mas malawak na diskusyon tungkol sa responsible parenting, lalo na sa mga panahong maraming pamilya ang nabubuhay sa ilalim ng kahirapan. Ayon sa kanila, ang pagmamahal ay hindi lamang nasusukat sa dami ng anak, kundi sa kalidad ng buhay na maibibigay sa kanila.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!