Marami ang nagpahayag ng suporta sa kilalang radio host at personalidad na si DJ Chacha matapos niyang ibahagi sa social media ang kanyang salóobin hinggil sa matinding agwat ng karanasan sa panahon ng kalamidad sa pagitan ng mga ordinaryong Pilipino at ng mga nasa kapangyarihan, partikular na ang ilang mga politiko.
Sa kanyang Instagram post, inilabas ni DJ Chacha ang kanyang tinawag na “random thoughts”—mga personal na pagmumuni-muni na tila tumama sa damdamin ng maraming netizens.
Aniya, “Minsan iniisip ko, sana itong matatakaw na pulitiko…maranasan rin ‘yung nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino.”
Bagama’t hindi siya nagbanggit ng mga pangalan, malinaw na ang kanyang tinutukoy ay yaong mga nasa posisyon na tila manhid sa hirap ng bayan.
Isa sa mga halimbawa na binanggit niya ay ang palagiang problema ng pagbaha. Ayon kay DJ Chacha, sana raw ay maranasan din ng mga politiko na pasukin ng baha ang kanilang mga tahanan—bagamat agad din niyang binigyang-diin na halos imposibleng mangyari ito dahil ang mga ito ay naninirahan sa mga eksklusibong subdibisyon at mamahaling village na may sapat na drainage system at proteksyon.
“Wala sa kanila ang kailangang maglimas ng tubig sa loob ng bahay o matulog sa bubong dahil sa biglaang pagtaas ng tubig baha,” dagdag pa niya.
Hindi rin nakaligtas sa kanyang komento ang matinding trapik na kadalasang nararanasan ng mga manggagawa. Aniya, “Ma-stuck din sana ng anim na oras sa gitna ng traffic habang nagugutom. Imposibleng mangyari dahil pwede silang hindi pumasok sa trabaho dahil hindi sila tulad ng karamihan sa atin na ‘no work, no pay’.”
Sa halip na “no work, no pay” na polisiya gaya ng mga karaniwang empleyado, ang mga pulitiko raw ay walang alalahanin sa aspetong pinansyal.
Dagdag pa ni DJ Chacha, “Habang ang marami sa atin ay nag-aalala sa kaligtasan ng pamilya tuwing may bagyo, sila ay kampanteng natutulog sa kanilang malalaking bahay, tiyak na ligtas sa kahit anong klaseng sakuna.”
Hindi rin umano nila kailangang mag-alala kung suspendido man ang klase dahil ang kanilang mga anak ay may sariling mga driver at pumapasok sa mga pribado at mahal na paaralan.
“Naranasan niyo na bang sumundo ng anak habang bumubuhos ang ulan at suspended ang klase, tapos wala ka nang masakyan pauwi? Sana kahit minsan, danasin din nila ‘yon,” ani DJ Chacha.
Ngunit sa huli ng kanyang post, sa kabila ng lahat ng hinanakit, hindi rin nakalimot si DJ Chacha na pasalamatan ang mga ordinaryong Pilipino. Aniya, kahanga-hanga ang tapang at determinasyon ng marami sa kabila ng tuloy-tuloy na hirap ng buhay.
“Sa mga Pilipinong kahit pagod na, kahit hirap na, pero patuloy na lumalaban nang marangal—saludo ako sa inyo,” pahayag niya.
Ang matapang na paninindigan ni DJ Chacha ay umani ng papuri mula sa netizens, na marami sa kanila ay naka-relate sa mga sinabi niya. Marami ang nagsabi na tila naging boses siya ng masa, at isang paalala sa mga nasa kapangyarihan na hindi bulag ang taumbayan sa katotohanan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!