Kinumpirma ni Tito Sotto, dating Senate President at ngayo’y muling halal na senador, na mayroon nang ilang mga kasamahan sa Senado na humihikayat sa kanya na muling tumakbo bilang pinuno ng Mataas na Kapulungan para sa darating na ika-20 Kongreso.
Sa isang online media briefing na ginanap noong Biyernes, Mayo 16, diretsahan siyang tinanong kung may mga senador na lumalapit o nag-uusap sa kanya tungkol sa posibilidad na pamunuan muli ang Senado. Hindi nagpaligoy si Sotto at agad na inamin ang katotohanan.
“Yes, I would be lying if I said no. May mga kumakausap sa akin,” pahayag ni Sotto sa harap ng mga mamamahayag.
Dagdag pa niya, ang mga lumalapit umano sa kanya ay nagsabing may suporta mula sa kani-kanilang mga grupo at handang iendorso ang kanyang pagbabalik bilang Senate President. Ayon kay Sotto, hindi niya isinasara ang posibilidad basta’t may sapat na bilang ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan.
“Kilala n’yo naman ako eh. I'm not the type that would go around na nagpapapirma para suportahan ako. Hindi ako yung ganun eh. Ako'y mana doon sa mga oldies eh, far from the old school. If they have the numbers, they want me to be Senate President, I will accept,” paliwanag niya.
Nang usisain kung nagkaroon na ba siya ng personal na pag-uusap kay kasalukuyang Senate President Chiz Escudero ukol sa usapin, nilinaw ni Sotto na matagal na silang hindi nagkakausap. Aniya, huling beses silang nagkausap ni Escudero ay noong huling bahagi pa ng taong 2024. Gayunpaman, handa raw siyang makipag-usap sa kasalukuyang lider ng Senado kung sakaling tuluyan siyang magpasya na sumabak sa labanan para sa posisyong ito.
Muling bumalik sa Senado si Sotto matapos makasama sa top 12 na mga nagwagi sa nakaraang midterm elections na ginanap noong Lunes, Mayo 12. Sa opisyal na bilang ng Commission on Elections (Comelec), lumabas na nasa ikawalong puwesto siya, matapos makakuha ng mahigit 14 milyong boto mula sa sambayanang Pilipino.
Hindi na rin bago kay Sotto ang posisyong tinatalakay ngayon. Mula 2018 hanggang 2022, siya ang naging Senate President sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa panahong iyon, naging tampok ang kanyang liderato sa pagpasa ng mga mahahalagang batas at sa pamumuno ng Senado sa gitna ng mahahalagang isyung pambansa.
Sa muling pag-upo niya bilang senador, malinaw na hindi pa tapos ang kanyang papel sa larangan ng pambansang politika. Ayon sa mga tagamasid, kung sakaling tuluyang tanggapin ni Sotto ang hamon ng pamumuno muli sa Senado, maaari itong magdala ng balanse sa liderato lalo’t kilala siya sa pagiging sentro o gitnang lider na may kakayahang pakisamahan ang iba't ibang kampo.
Habang wala pa siyang pinal na desisyon, sinabi ni Sotto na mas mahalaga sa kanya ngayon ang konsultasyon sa kanyang mga kasamahan sa Senado. Hindi raw niya nais na umabante sa anumang posisyon kung hindi buo at matatag ang suporta. Sa kanyang karanasan, mahalaga raw ang pagkakaisa sa loob ng Senado upang maging epektibo ang isang lider.
Ang posibilidad ng pagbabalik niya bilang Senate President ay patuloy na sinusubaybayan ng publiko at ng mga eksperto sa pulitika. Habang papalapit ang pagbubukas ng bagong Kongreso, marami ang nag-aabang kung anong hakbang ang susunod na gagawin ng beteranong mambabatas.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!