Ang lakas talaga ng hatak ni Kathryn Bernardo sa publiko, at ngayon, tila isang malaking karangalan na naman ang nadagdag sa kaniyang pangalan! Marami ang napa-“wow” matapos lumabas ang isang nakakapanabik na teaser mula sa Madame Tussauds Hong Kong, kung saan pinapahiwatig na si Kathryn ang susunod na Filipino celebrity na magkakaroon ng sariling wax figure — katulad ng mga naglalakihang pangalan sa showbiz gaya nina Pia Wurtzbach, Catriona Gray, at Anne Curtis.
Sa isang post na ibinahagi sa Instagram account ng Madame Tussauds Hong Kong, makikita ang isang video teaser na nagpapakita ng anino ng isang babae. Nakapusod ang buhok nito at bahagyang nakangiti. Kahit hindi pa ipinapakita ang mukha, marami sa mga fans ang agad na nakapagsabing si Kathryn Bernardo nga iyon, dahil sa kaniyang distinct aura at pamilyar na postura.
Ang caption ng nasabing video ay nagbigay ng malinaw na mga palatandaan:
“Someone special is joining Madame Tussauds Hong Kong’s red carpet.”
“Can you guess who our next Filipino wax figure is from these clues?”
Dagdag pa nila, nagbigay sila ng ilang clues na lalong nagpatibay sa hinala ng mga netizens:
“She launched her acting journey at just 7 years old.”
“She starred in the first Filipino film to hit over 1 billion pesos globally.”
Sino pa nga ba ang tumutugma sa mga clue na ito kundi si Kathryn Bernardo — na nagsimula bilang child star sa “Going Bulilit” at kalauna’y naging box-office queen sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye,” na kumita ng mahigit ₱1 billion worldwide.
Dahil dito, halos mapuno ng excitement ang comment section ng post, kung saan dagsa ang mga komento ng fans na nagsasabing, “It’s Kathryn!,” “Queen Kathryn is finally joining the Madame Tussauds family!” at “Deserve na deserve niya ‘yan!”
Hindi rin nakalampas sa mga mapanuring mata ng mga netizen ang reaksyon ng ina ni Kathryn, si Min Bernardo, na nag-like sa post ng Madame Tussauds Hong Kong — isang indikasyon na tila kumpirmado nga ang mga hula.
Dagdag pa rito, napansin din ng mga tagahanga na sinusundan na ngayon ng opisyal na Instagram account ng Madame Tussauds HK si Kathryn, kasabay nina Pia Wurtzbach, Anne Curtis, at Catriona Gray, na pawang may kani-kaniyang wax figures na rin doon.
Kung tuluyang makumpirma, magiging ikaapat na Filipino celebrity si Kathryn na magkakaroon ng wax statue sa sikat na international museum. Isang patunay ito ng kaniyang global influence at ng katotohanang hindi lamang siya reyna ng mga pelikula, kundi isa ring cultural icon na kumakatawan sa talento at ganda ng mga Pilipino.
Maraming tagahanga rin ang nagsabi na perfect timing ito para kay Kathryn, lalo na ngayong lumalago pa ang kanyang karera bilang solo actress matapos ang ilang pagbabago sa kaniyang personal na buhay. Marami ang naniniwalang ito ay isang simbolo ng bagong yugto para sa kanya — isang patunay ng kanyang tagumpay, resilience, at inspirasyon sa mga kabataang Pilipino.
Sa ngayon, wala pang eksaktong petsang ibinibigay ang Madame Tussauds Hong Kong para sa official reveal, ngunit marami na ang sabik na makita ang life-sized wax figure ng Kapamilya superstar.
Kung tutuusin, hindi na nakapagtataka kung bakit si Kathryn Bernardo ang napili — dahil sa kanyang mahigit isang dekadang kontribusyon sa industriya ng pelikula at telebisyon, at sa kanyang di-mapapantayang charisma at professionalism.
Talagang “Queen Kath” in every sense of the word!
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!