Matapos ang ilang taong pananahimik, muling nagsalita ang aktor at singer na si James Reid para linawin ang isyung matagal nang ibinabato sa kanya — ang umano'y pandaraya o cheating habang sila pa noon ni Nadine Lustre.
Sa isang kamakailang post ni James sa kanyang TikTok account, inaasahan sana na entertainment lang ang hatid ng video, ngunit nauwi ito sa tensyon matapos mag-viral sa comment section ang mga komento mula sa ilang fans ni Nadine. Muli nilang binuksan ang kontrobersiyal na isyu ng kanilang paghihiwalay, at binuhay ang matagal nang hinala ng ilang netizens na si Issa Pressman raw ang dahilan ng breakup.
May mga fans na nag-akusa kay James ng pagiging "manloloko" at sinabing nagsimula na raw ang relasyon nila ni Issa kahit hindi pa sila opisyal na hiwalay ni Nadine noon. Dahil dito, tila hindi na napigilan ni James ang kanyang sarili at naglabas ng kanyang panig.
Ayon kay James, wala raw anumang pagtataksil ang nangyari habang sila pa ni Nadine. Matagal na raw nilang napagdesisyunan ang paghihiwalay bago pa man siya nakita o na-link kay Issa Pressman. Nilinaw rin niya na hindi niya kailanman ginawang manloko, at mas pinili nilang tapusin ang relasyon nang maayos at may respeto sa isa’t isa.
Bagama’t hindi direktang sinagot ni James ang lahat ng akusasyon, malinaw ang kanyang mensahe — pagod na raw siya sa paulit-ulit na isyu na animo’y walang katapusan. Aniya, gusto na lamang niyang umusad sa buhay at ituon ang atensyon sa kanyang musika at career.
"It’s been years. We’ve all moved on. I’ve moved on. She’s happy. I’m happy. Let’s stop romanticizing the drama and just let everyone live their lives," pahayag ni James sa isang reply sa comment.
Marami namang netizens ang pumanig sa kanya at sinabing panahon na nga raw para tantanan ang isyu. Ayon sa kanila, pareho na silang masaya sa kani-kaniyang buhay—si Nadine ay masaya sa kanyang current non-showbiz boyfriend at si James ay patuloy na lumalago sa music scene kasama ang kanyang label na Careless.
Gayunman, may ilang fans pa rin na tila hindi matanggap ang kanyang paliwanag. Para sa kanila, “too late” na raw ang pag-amin, at ang pananahimik ni James noon ay tila pagsang-ayon sa mga haka-haka.
Pero sa kabila ng mga ito, naninindigan si James na malinis ang konsensya niya at hindi niya kailanman ginawang lokohin ang taong minahal niya ng totoo.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!