Green Card Ni Gerald Sibayan Tuluyang Pina-Revoked Ni Ai Ai Delas Alas

Biyernes, Oktubre 31, 2025

/ by Lovely


 Ibinunyag kamakailan ng comedy queen na si Ai-Ai delas Alas na pinawalang-bisa na niya ang green card petition na dati niyang inihain para sa kanyang dating asawa na si Gerald Sibayan. Ayon sa aktres, ito raw ang isa sa mga naging paraan niya upang tuluyan nang makapag-move on mula sa kanilang relasyon.


Sa isang panayam kasama si Boy Abunda, inamin ni Ai-Ai na hindi naging madali ang desisyong ito. Matagal daw siyang nagdalawang-isip bago tuluyang bawiin ang petisyon, ngunit napagtanto niya na ito ang makakabuti para sa kanyang emosyonal na kalayaan.


Ang tinatawag na green card o Permanent Resident Card ay dokumento na nagbibigay ng legal na karapatan sa isang tao na manirahan at magtrabaho sa United States nang walang hangganan. Kapag may hawak nito, maaari rin siyang mag-apply bilang ganap na mamamayan ng Amerika paglipas ng ilang taon.


Matatandaang dati nang sinabi ng komedyante na hindi niya babawiin ang petisyon kahit naghiwalay na sila ni Gerald. Ngunit matapos ang ilang buwan ng pagninilay-nilay, napagtanto niyang kailangan niya ring isipin ang sarili.


“Nung una talaga, ayoko. Parang sabi ko, okay na ‘to, tutal nakatulong na ako. Pero habang tumatagal, naisip ko na hindi naman siguro tama na ako lang yung patuloy na nagbibigay, lalo na kung ako na ‘yung nasaktan. Hindi naman ako santo,” pahayag ni Ai-Ai. 


“Nung una, ayoko talaga gawin yun pero nung bandang huli naisip ko, parang ayoko naman maging santa or something kasi yun na lang ba yung, kahit panget, yung ganti ko para sa sarili na nasaktan ako.” 


Ibinahagi rin ni Ai-Ai na kasabay ng pagsasampa niya ng divorce papers sa Amerika ay ang opisyal na pagbawi ng green card petition ni Gerald. Ayon sa kanya, wala pa man ang resulta ng diborsyo, malinaw na hindi na sakop ng kanyang sponsorship ang dating asawa.


“Siya naman nag sabi na gusto niya mag punta ng America eh, hindi naman ako yung nag bigay sa kanya na, ‘Oh halika na punta na tayo sa America.’ Siya naman yung nag sabi na gusto niya pumunta ng America,” dagdag pa ng komedyante.


Nang tanungin naman kung tuluyan na ba siyang naka-move on, naging tapat si Ai-Ai na bagama’t malaki na ang kanyang paghilom, may mga sandali pa rin daw na bumabalik ang lungkot.


“I’ve moved on–– trinatry ko mag move on pero hindi pa siguro yung totally healed na healed. Minsan, naalala ko pa rin. Minsan, naiiyak pa rin ako pero nandun na ako sa kumbaga 80-percent medyo okay na ako,” ani niya. 


“Kasi yung process nung pagkawala niya, yun yung nabigla ako–– hindi ako handa. Ready ako subconsciously pero yung nangyari na, kumbaga sa tugtog wala sa tiyempo. Hindi kami nag aaway, wala kaming pinagaawayan. Basta nalang ayoko na, alis na ako, parang ganun so doon ako medyo nagulat.”


Gayunpaman, ipinagmamalaki ni Ai-Ai na sa kabila ng lahat ng sakit, natagpuan na niya ngayon ang tunay na kapayapaan sa sarili.


“Ako ngayon ay at peace. Sabi ko nga, meron akong legacy of peace. Gusto mo lahat ng magiging pananaw mo sa buhay puro positive. Sabi nga pain was my teacher and healing is my revolution,” pagtatapos niya.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo