Hindi itinago ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kanyang nararamdamang pag-aalinlangan at kaba kaugnay ng lumalalim na kontrobersya na kinasasangkutan ng mag-asawang Pacifico “Curlee” II at Cezarah “Sarah” Discaya. Sa gitna ng imbestigasyon na kasalukuyang isinasagawa ng Senado at Kongreso hinggil sa diumano'y iregularidad sa mga flood control projects sa bansa, ramdam umano ni Mayor Vico na may mga bagay na hindi umaakma at tila may sinusubukang pagtakpan.
Ayon sa alkalde, isa sa mga dahilan ng kanyang pangamba ay ang hindi magkakatugma at pabago-bagong mga pahayag ng mag-asawang Discaya sa mga naging pagdinig ng Senado. Sa isang panayam ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong Linggo, Setyembre 14, iginiit ni Mayor Vico na tila may sinusubukang iligaw ang isipan ng publiko sa pamamagitan ng kalituhan.
“Du’n mo nga makikita talagang hindi mapagkakatiwalaan kasi paiba-iba ng kuwento. At du’n ako medyo natatakot ngayon, na baka kasama sa game plan na lituhin lang tayo,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa niya, posible umanong isa itong estratehiya upang pahinain ang kaso sa kalaunan. “Baka mamaya, tanggapin natin lahat ng sinasabi nila. ‘Yun pala ang endgame, after a few months, walang ma-produce na mga ebidensya, wala na mangyayari sa mga kaso. ‘Yun ‘yung kinatatakutan ko ngayon,” dagdag ni Vico.
Ang nasabing isyu ay may kaugnayan sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan sinasabing napaboran umano ang ilang construction firms na pagmamay-ari o konektado sa pamilya Discaya. Ayon sa mga ulat, ang mga nasabing proyekto ay posibleng ginamit para sa personal na kapakinabangan ng iilang tao sa halip na para sa kapakanan ng mamamayan.
Para kay Mayor Vico, hindi lamang ito simpleng isyu ng katiwalian—ito ay malinaw na larawan ng malalim na problema sa sistemang pampamahalaan. Gayunpaman, nagpapasalamat siya na sa panahon ngayon ay mas bukas na ang mga tao sa pagtalakay ng mga ganitong klase ng usapin. Aniya, isa itong hakbang patungo sa pagbabago.
“Masakit man tanggapin na ganito kalalim ang korapsyon sa gobyerno, nakakagaan din sa loob na may awareness na ang publiko. Hindi na ito tinatanggap na normal, kundi itinuturing na mali at dapat labanan,” wika niya.
Sa kabila ng mga kinahaharap na isyu, nananatiling optimistiko si Mayor Vico. Naniniwala siyang darating ang panahon na tuluyang mawawala ang korapsyon sa bansa, basta’t magpapatuloy ang sama-samang panawagan ng taumbayan para sa tunay na pagbabago.
“Hindi imposible ang corruption-free na gobyerno. Mahirap, oo. Pero kung patuloy ang pag-expose ng mga anomalya at pagtutulungan ng mamamayan, media, at matitinong lingkod-bayan, makakamit natin ‘yan,” pagtatapos niya.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!