Muling pinatunayan ni Vice Ganda ang kanyang pagiging tunay na “unkabogable” — hindi lamang sa pagpapatawa kundi lalo na sa pagiging bukas-palad sa mga nangangailangan. Sa isang episode ng It’s Showtime nitong Martes, naging emosyonal ang mga manonood matapos sorpresang tumulong si Vice sa isang balut vendor na si Tatay Jovie.
Sa nasabing segment, ibinahagi ni Tatay Jovie ang kanyang simpleng pamumuhay bilang isang senior citizen na patuloy pa ring nagtatrabaho para mapunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Nang mapag-usapan ang kanyang buwanang upa sa tirahan na nagkakahalaga ng ₱3,500, hindi nagdalawang-isip si Vice na magbigay ng ayuda. Sa harap ng madla at ng telebisyon, nangako siyang sasagutin ang renta ni Tatay Jovie para sa buong taon.
“Hindi natin alam kung gaano nakakabaliw para sa isang tao ang mag-ipon ng P3,500 sa isang buwan… I will pay for the entire year para hindi mo na siya iisipin,” ani Vice, habang dama ang sinseridad sa kanyang tinig.
Hindi napigilan ni Tatay Jovie ang mapaluha dahil sa hindi inaasahang kabutihang-loob ni Vice. Paulit-ulit siyang nagpasalamat habang pinupunasan ang luha sa kanyang pisngi. Para sa kanya, isa itong maagang pamasko na hinding-hindi niya malilimutan.
Hindi rin nagpahuli ang mga netizen sa pagbuhos ng suporta at paghanga kay Vice Ganda. Marami ang nagsabing tumataas ang respeto nila sa komedyante, hindi lang bilang artista kundi bilang isang tao na may malasakit sa kapwa.
"Saludo talaga ako kay Meme Vice. Hindi man niya matulungan ang lahat, pero sa mga kaya niyang abutin, ginagawa niya ito ng may puso," ani ng isang netizen sa comment section ng Facebook.
May isa pang netizen na nagsabi: "Kahit may mga bumabatikos sa kanya, hindi pa rin natitinag si Vice sa pagtulong. Siya na nga ang dapat tularan — hindi puro salita, kundi gawa agad.”
Ang iba namang viewers ay humanga rin sa programa mismo, dahil sa pagbibigay nito ng plataporma upang maipaabot ang mga kwento ng mga ordinaryong Pilipino. Anila, ang ganitong klase ng content sa telebisyon ang tunay na may kabuluhan — hindi lang libangan kundi nagbibigay ng inspirasyon at pag-asa.
"Ang gusto ko sa show na ito at sa mga host nila, hindi sila bulag sa mga nangyayari sa paligid. Hindi rin sila natatakot magsalita tungkol sa mga seryosong isyu tulad ng kahirapan at korapsyon,” sabi ng isa pa.
May mga komentong may halong biro ngunit totoo ang punto, gaya ng: "Mas kabog pa si Vice sa mga politiko. At least siya, may direktang tulong sa tao!"
Sa gitna ng mga puna at kontrobersiyang kinahaharap paminsan-minsan, nananatiling matatag si Vice Ganda. At sa mga ganitong kwento ng pagtulong, lalo lamang tumitibay ang kanyang koneksyon sa masa — hindi dahil sa kasikatan, kundi sa kabutihang puso.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!