Vice Ganda, Nanghinayang Sa Buwis Na Napupunta Sa Korapsyon

Miyerkules, Setyembre 24, 2025

/ by Lovely


 Hindi napigilan ni Vice Ganda, kilala bilang "Unkabogable Star" at isa sa mga host ng It’s Showtime, ang maging emosyonal matapos matuklasan ang mahirap na kalagayan ng isang contestant sa kanilang segment na “Laro Laro Pick” noong Miyerkules, Setyembre 24, 2025.


Nakilala ng mga host na sina Vice Ganda, Vhong Navarro, at Anne Curtis ang isang 67-anyos na ginang na nagngangalang Nanay Rosie mula sa Baclaran, Parañaque City. Sa kanyang pagsali sa segment, hindi inaasahan ng marami ang malalim at masalimuot niyang kuwento.


Ikinuwento ni Nanay Rosie na siya ay nagtitinda ng softdrinks, tubig, at sigarilyo sa lansangan ng Baclaran at Pasay — araw at gabi. Wala na umano siyang permanenteng tirahan matapos siyang mapalayas sa dati niyang inuupahang kuwarto dahil sa kakulangan sa pambayad. Dahil dito, napilitan siyang manirahan na lamang sa bangketa.


Lubos itong ikinabigla ni Vice Ganda. Hindi niya napigilang maglabas ng hinanakit at pangamba sa patuloy na pag-iral ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, lalo na’t marami pa ring pulitikong nababalitaan na may luho at kayamanan habang may mga Pilipinong tulad ni Nanay Rosie na natutulog sa gilid ng kalsada.


Aniya, “Tingnan mo, may isang mag-ina na nagtitinda sa kalsada araw-araw, umulan-umaraw tapos hindi na nakabayad ng upa kay sa kalsada na naninirahan. Tapos may mga congressman na bente (20) ang bahay? May mga pulitiko na trenta (30) ang sasakyan?”


Hindi rin napigilan ni Vice ang kanyang galit sa usapin ng korapsyon sa bansa. Buong tapang niyang sinabi na hindi dapat inaabot sa ganitong sitwasyon ang mga Pilipino kung tama lang ang paggamit sa pondo ng gobyerno na galing sa buwis ng taumbayan.


“‘Wag na talaga tayong pumayag. Grabe na ‘yon. Ito [si nanay Rosie], nanakawan ito. Walang Pilipino ang dapat sa kalsada natutulog kung talagang ginagamit niyo lang nang marangal ‘yong perang ibinayad namin sa buwis,” mariing pahayag ni Vice.


Dagdag pa niya, “Bilyon-bilyon [at] trilyon ‘yan, e. Hindi dapat natulog ‘tong ale na ito sa kalsada kung hindi niyo kami ninakawan.”


Nagbigay rin ng halimbawa si Vice kung gaano kalaki ang kontribusyon ng mga tulad niya sa buwis — siya at ang iba pa niyang kasamahan sa industriya ng entertainment ay regular na nagbabayad ng malaking halaga ng buwis. Kaya’t para sa kanya, may karapatan silang ipaglaban kung saan napupunta ang perang iyon.


“Na-iimagine ko, ‘yong tax natin, kahit tayong tatlo lang [Anne at Vhong]. Kung pinagsama-sama natin ‘yong tax natin at hindi na nila siningil, tayo na lang ang gumamit, ang dami [siguro] nating napauwi sa mga bahay ng mga mamamayan,” panghihinayang ni Vice.


Hindi na bago para kay Vice Ganda ang magpahayag ng kanyang saloobin pagdating sa mga isyung panlipunan. Ngunit sa pagkakataong ito, makikita sa kanyang reaksyon ang tunay na pagkabigla at lungkot sa kalagayan ni Nanay Rosie — isang repleksyon ng patuloy na hamon ng kahirapan sa bansa.


Sa dulo ng segment, marami ang naantig sa emosyon ni Vice at sa kuwento ni Nanay Rosie. Umani ito ng simpatya mula sa mga manonood, at muling naging paalala kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng malasakit sa kapwa at pananagutan sa tungkulin — lalo na sa gobyerno.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo