Pangulong Bongbong Marcos, Na-Shock Sa Kasalukuyang Sitwasyon Ng Gobyerno

Lunes, Setyembre 8, 2025

/ by Lovely


 Naglabas ng matinding saloobin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng mga umano’y malawakang katiwalian sa likod ng mga proyektong may kinalaman sa flood control sa bansa.


Sa ikaapat na episode ng kanyang "BBM Podcast" na inilabas nitong Linggo, Setyembre 7, ibinahagi ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya at pagkabigla sa kasalukuyang sistema ng pamahalaan na aniya’y tila hindi niya inaasahan. Ayon sa kanya, kailangang malaman ang tunay na ugat ng problema upang ito'y hindi na muling maulit.


“We need to get to the bottom of this,” ani Marcos. "We have to figure out kung ano ba talaga ang nangyari para hindi na mangyari ulit.  To put safe guard in place, if it's requires the restructuring the government, lahat 'yan kailangan nating gawin."


"Nasha-shock ako. Hindi ako makapaniwalang ganito na ang gobyerno," dagdag pa niya.


Hindi rin napigilan ng Pangulo ang kanyang emosyon habang pinag-uusapan ang epekto ng korapsyon sa mga ordinaryong Pilipino. Sa gitna ng panayam kasama ang beteranong mamamahayag na si Vicky Morales, tinanong siya kung siya ba’y naiiyak.


Tugon niya, "Yes, because I'm very upset. I see people having a hard time." Dagdag pa niya, "And they don't deserve it. Mabuti kung masamang tao 'yan, dapat parusahan. Hindi naman e. Walang ginawa iyan kundi magtrabaho, kundi mahalin ang pamilya."


Malinaw ang pagkadismaya ni Marcos Jr. sa mga opisyal at taong sangkot sa korapsyon, lalo na sa konteksto ng mga proyekto sa flood control. Matatandaang naging sentro rin ng kanyang pahayag sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang mga alegasyon ng pandarambong sa mga proyektong ito na, imbes na makatulong, ay lalo pang nagpalala sa problema ng pagbaha sa bansa.


Binanggit niya sa SONA ang epekto ng mga kapabayaang ito sa mga komunidad na lubog sa baha dulot ng Habagat at ng mga nagdaang bagyong sina Crising, Dante, at Emong. Matapang niyang sinabi, “Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!”


Ang panibagong pahayag ni Marcos sa kanyang podcast ay muling nagpapaalala sa publiko sa kanyang paninindigan laban sa katiwalian, at sa kanyang layunin na itama ang mga maling gawi sa gobyerno. Inamin ng Pangulo na malaki ang kailangang baguhin hindi lamang sa istruktura ng mga ahensya kundi pati sa kultura ng serbisyo publiko.


Ayon pa kay Marcos Jr., “Hindi pwedeng palampasin na lang ito. Ang mga proyektong dapat sana ay nagsisilbi para protektahan ang buhay at kabuhayan ng taumbayan ay nauuwi pa sa sakuna dahil sa kasakiman.”


Nanawagan din siya sa taumbayan na maging mapanuri at makiisa sa pagsugpo sa katiwalian. Bagamat hindi niya pinangalanan ang mga sangkot, malinaw ang kanyang mensahe: ang gobyerno ay para sa serbisyo, hindi para sa pansariling interes.


Sa huli, iginiit ng Pangulo na hindi siya titigil hangga’t hindi nabibigyang hustisya ang mga naapektuhan ng mga proyektong hindi naipatupad ng maayos dahil sa kurapsyon. Aniya, “Hindi natin ito palalampasin. Kailangang mapanagot ang dapat managot.”

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo