Nag-viral at kinagiliwan ng netizens ang isang Facebook post ng direktor na si Darryl Yap, kung saan nagbiro siya tungkol sa pulitika at ilang personalidad sa showbiz. Noong Lunes, Setyembre 15, nag-post si Yap na ikinokonsidera umano niyang si BB Gandanghari ang dapat tumakbong pangulo at si Cristy Fermin ang maging tagapagsalita nito, o “Presidential Spokesperson.”
Ang kanyang pahayag ay reaksyon sa naging panayam sa kilalang filmmaker na si Lav Diaz, na kamakailan ay naghayag ng kanyang opinyon sa “Ang Walang Kwentang Podcast” na hosted nina direk Antoinette Jadaone at JP Habac. Ayon kay Lav Diaz, panahon na raw para si Vice Ganda ay tumakbo bilang presidente sa darating na halalan sa 2028, at harapin ang posibleng kandidatura ni Vice President Sara Duterte.
Malinaw ang mensahe ni Diaz: “Kailangan nating gamitin ang pop culture para baguhin ang kinabukasan ng bansa.” Aniya, seryoso siya sa paniniwalang si Vice Ganda ang may kakayahan at impluwensiya upang magdala ng pagbabago sa pamamagitan ng kilusang mula sa masa. “Gumawa tayo ng Vice Ganda Movement,” panawagan niya. Ayon pa sa kanya, ang takbo ng politika ay tila bangungot na malapit nang mangyari, kaya kailangan daw ng pagkilos habang may oras pa.
Nagbiro naman si Direk Antoinette Jadaone na sana raw ay hindi mapanood ng mga loyalista ni Duterte ang nasabing episode, dahil siguradong magdudulot ito ng kontrobersya.
Samantala, bilang tugon sa mainit na usapin, hindi nagpaawat si Darryl Yap at nag-post ng kanyang “sariling nominasyon.” Ayon sa kanya, kung si Vice Ganda ay ikinakampanya ni Lav Diaz, siya naman ay pormal na “nominado” sina BB Gandanghari bilang pangulo at si Cristy Fermin bilang tagapagsalita ng palasyo.
“Dahil pinapatakbo ni Direk Lav Diaz si Vice Ganda, I RESPECTFULLY NOMINATE BB GANDANGHARI AS PRESIDENT and CRISTY FERMIN AS PRESIDENTIAL SPOKESPERSON,” ani ni Yap sa caption ng kanyang post.
Kalakip ng kanyang post ay isang art card kung saan makikita ang dating pahayag ni BB Gandanghari patungkol kay Vice Ganda. Nakasaad dito:
“Maswerte ka, sumikat ka, dahil bobita ka. 'Yun lang ang masasabi ko sa 'yo.”
Samantala, si Cristy Fermin ay kilala sa kanyang pagiging matapang sa pagbibigay ng opinyon, at ilang ulit na rin nitong binanatan si Vice Ganda sa kanyang programa, lalo na kung may mga isyung kinasasangkutan ang komedyante. Hindi rin nagpapahuli si Vice, na minsan ay may mga patutsada rin kay Cristy sa kanyang mga show at online content.
Sa ngayon, wala pang pahayag si Vice Ganda ukol sa panukala ni Lav Diaz o sa birong post ni Darryl Yap. Hindi pa rin niya kinukumpirma o itinatanggi kung interesado siyang pumasok sa mundo ng pulitika.
Bagamat nagsimula sa biruan at opinyon, naging usap-usapan sa social media ang ideya ng isang artista tulad ni Vice Ganda na pumasok sa pulitika. Sa kultura ng bansa kung saan ang mga kilalang personalidad ay malimit pumasok sa larangan ng serbisyo publiko, hindi malayong mangyari ang ganitong senaryo.
Kung tutuusin, ang isyung ito ay sumasalamin sa malalim na epekto ng pop culture sa pulitika ng Pilipinas—at kung paano ang mga personalidad mula sa mundo ng showbiz ay may kakayahang impluwensyahan ang hinaharap ng bayan.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!