BINI Gwen, Pinatunayan Totoo Ang Turon Na Walang Asukal

Lunes, Setyembre 1, 2025

/ by Lovely

Pinatunayan ng BINI member na si Gwen Apuli na hindi gawa-gawa ang kaniyang sinabi tungkol sa pagkain ng turon na walang asukal, bagay na ikinagulat at pinagdudahan ng ilang netizens.


Matatandaan na noong buwan ng Hulyo, nag-guest ang buong grupo ng BINI sa isang episode ng “People Vs. Food” kung saan sinubok nilang tikman at bigyan ng rating ang iba’t ibang sikat na pagkaing Pinoy. Isa sa mga nakatawag ng pansin sa segment na iyon ay ang pahayag ni Gwen na mas sanay siyang kumain ng turong walang asukal—isang bagay na tila hindi kapani-paniwala para sa ilan. Karaniwan kasing iniisip ng mga tao na palaging may asukal o glazed coating ang tradisyonal na turon.


Dahil dito, nakatanggap si Gwen ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens. May mga naniniwala, pero marami rin ang nang-bash at nagsabing imposible raw ang kaniyang sinabi. Upang malinawan ang isyu, muli itong binalikan ng idol member sa isang panayam sa programang “Ogie Diaz Inspires” na inilabas nitong Sabado, Agosto 29.


Ayon kay Gwen, hindi siya nagbibiro at totoo raw na lumaki siyang sanay sa turong walang halong asukal. Ani niya:

“Alam po ‘to ng mga taga-Bicol. Hindi ko naman nilalahat kasi iba-iba rin ang nakagawian sa bawat bayan, pero karamihan po talaga, ganito ang version ng turon. Lumaki po ako na walang sugar na kasama sa turon.”


Dagdag pa niya, kahit sa huling bakasyon nila sa Bicol ay napatunayan niya ang sinasabi. Kuwento ni Gwen, bumili ang kaniyang mga tito at tita ng turon sa isang tindahan doon, at gaya ng inaasahan—wala rin iyong asukal.

“Siguro gano’n talaga magluto sa amin. Kahit saan kami bumili doon, wala talagang sugar. Pero kahit wala, masarap pa rin kasi malambot at matamis na rin ang saging na ginagamit,” paliwanag ng BINI member.


Kaya ayon kay Gwen, hindi dapat kataka-taka kung nasanay siyang kumain ng ganitong klase ng turon. Para sa kaniya, natural lamang na hindi pare-pareho ang nakasanayang paraan ng pagluluto sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.


Bukod sa isyu ng asukal, sinagot din ni Gwen ang isa pang puna ng bashers—ang diumano’y maarte niyang pagbigkas ng salitang “turon” sa nasabing episode. Ayon sa ilang netizens, masyado raw itong slang at pilit pakinggan.


Ngunit depensa ni Gwen, wala raw siyang intensyong magpaka-“arte.” Ani niya:

“Nadala lang po talaga. Pasensya na kasi hindi ko alam ang English ng turon. Kaya ang lumabas sa bibig ko, parang napa-slang na lang. Hindi ko sinasadya.”


Marami naman ang naka-relate sa paliwanag ni Gwen, lalo na’t karaniwan na ring nagkakaroon ng iba’t ibang bersyon at pagbigkas ng mga lokal na pagkain depende sa rehiyon at sa taong kumakain nito. Sa huli, ipinakita ng BINI member na hindi siya basta nagpapaapekto sa mga kritisismo, at mas pinipili niyang ipaliwanag ang totoong nakasanayan niya bilang isang Bicolana.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo