Umalingawngaw sa social media ang seryosong banat ng stand-up comedian na si Alex Calleja kaugnay ng bigat ng buwis na ipinapataw sa bawat Pilipino, na aniya’y tila napupunta lamang sa maling kamay o bulsa ng mga “buwaya” sa gobyerno.
Sa kanyang Facebook post noong Sabado, Agosto 30, naglabas ng saloobin si Alex kung saan isa-isa niyang binanggit ang samu’t saring buwis na kinakaharap ng ordinaryong mamamayan. Ani niya, halos lahat ng aspeto ng buhay ay may kaakibat na buwis — mula sa pangunahing bilihin hanggang sa mga simpleng karanasan tulad ng panonood ng sine.
“May income tax, VAT, withholding tax. May tax sa bawat serbisyo. Kapag namimili ka sa tindahan o grocery, may tax. Kung mag-travel ka, may travel tax pa. Manonood ka ng sine, may tax. Umiinom ka ng alak, nagyoyosi, may tax din. Pati ‘yung birthday show ko ngayong October, may buwis na binayaran. Sa ospital, may tax. Sa gamot, may tax,” pagbabahagi ng komedyante.
Hindi pa roon nagtapos ang kanyang hinanakit. Dagdag pa ni Alex, parang wala nang katapusan ang kaltasan ng buwis. Biro pa niya, “Kulang na lang, kapag umutot ka o dumumi ka, may tax na rin! Pero ang mas masaklap, napupunta lang sa bulsa ng mga buwaya!”
Dahil dito, hindi rin napigilan ng komedyante na sagutin ang mga nagsasabi na manatili na lang siya sa pagpapatawa at huwag nang manghimasok sa mga isyu ng politika. Ani niya, hindi dapat ihiwalay ang pagiging komedyante sa pagiging mamamayan na nakakaranas din ng parehong pasanin.
“Tapos sasabihin niyo, magpatawa na lang ako dahil komedyante lang naman ako? Ang laki ng buwis na binabayaran ng bawat Pilipino! Magalit naman tayo,” diin ni Alex.
Ang kanyang post ay nagsilbing boses ng maraming netizen na matagal nang bumubuntong-hininga sa bigat ng kanilang buwis kumpara sa serbisyong nakukuha nila mula sa pamahalaan. Marami ring sumang-ayon sa obserbasyon ni Alex, na tila ang mga pinaghihirapang pera ng taumbayan ay nauuwi lamang sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at sa mga maanomalyang proyekto.
Muling nabuhay ang diskurso tungkol sa korupsiyon sa pamahalaan matapos mabunyag ang pagkakasangkot umano ng ilang personalidad at politiko sa kwestyonableng flood control projects. Lumalabas na bilyon-bilyong pondo ang ibinubuhos para sa mga proyektong ito, subalit marami ang nagdududa kung talaga bang napupunta ito sa tama at makatarungang paggamit.
Sa kanyang post, tila sinasalamin ni Alex Calleja ang sama ng loob ng karaniwang manggagawang Pilipino. Sa halip na makita ang buwis na ibinabayad bilang puhunan para sa mas maayos na imprastruktura, serbisyong panlipunan, at mas maginhawang buhay, ang nakikita umano ng mga tao ay kabaligtaran: luho ng iilan at pagpapayaman ng mga nasa kapangyarihan.
Sa dulo, malinaw ang mensahe ng komedyante: ang pagbabayad ng buwis ay responsibilidad ng bawat mamamayan, ngunit tungkulin ng gobyerno na tiyakin na ang bawat sentimong nakokolekta ay ginugugol nang tama, tapat, at para sa ikabubuti ng lahat. At kung patuloy itong nasasayang o napupunta sa maling kamay, karapatan at obligasyon ng bawat Pilipino na magtanong, magpahayag, at magalit.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!