Hindi natuloy ang matagal nang inaabangang 35th anniversary concert ng kilalang singer at aktres na si Geneva Cruz matapos nilang magpasya ng kanyang management team na ipagpaliban ito bunsod ng malawakang kilos-protesta na naganap nitong nakaraang Sabado.
Ang konsiyertong pinamagatang #GenEvolution ay gaganapin sana sa Music Museum, ngunit kinailangang ipagpaliban bilang tugon sa mas malaking kaganapan sa bansa — ang pambansang protesta na naglalayong kondenahin ang matagal nang kinikimkim ng taumbayan: katiwalian, kasakiman, at kawalang-kakayahan ng mga lider ng pamahalaan.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Geneva ang desisyong ito, kung saan isang larawang kuha ng langit ang ginamit niyang pangunahing imahe. Sa caption ay nilinaw niya ang naging payo ng kanyang manager na si Arnold Vegafria, na huwag muna ituloy ang nasabing event.
Aniya sa kanyang post:
“However, i had been advised by my manager @arnold_vegafria about the massive wave of protests scheduled on the same day – the culmination of our people’s collective outcry against corruption, greed and incompetent leadership. We can no longer tolerate this sickening situation.”
Hindi lamang artista si Geneva kundi isa rin siyang Air Force reservist. Kaya naman sa parehong post, ipinaabot din niya ang kanyang suporta sa mga mamamayang lumalaban para sa pagbabago sa pamamagitan ng mapayapang kilos-protesta.
Ibinahagi pa niya:
“As a proud Air Force reservist, I, Sgt. Geneva Cruz pledge my loyalty to God and Country, and stand unite with our countrymen in expressing our outrage.”
Ipinabatid din ng kampo ni Geneva na ang mga ticket na nabili para sa nasabing konsiyerto ay maaaring i-refund kung nanaisin ng mga fans. Maaari rin itong gamitin muli sa sandaling maibigay na ang bagong petsa ng muling pagtatanghal ng concert.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na ipinamalas ni Geneva ang kanyang pagiging socially aware. Kilala rin siya sa pagiging outspoken sa mga isyu ng kalikasan, karapatang pantao, at pagsuporta sa mga marginalized sectors. Kaya naman, hindi na nakagugulat na maging sa kanyang personal na milestone, pinili pa rin niyang bigyang daan ang boses ng mas nakararami.
Marami sa kanyang mga tagahanga ang nagpahayag ng suporta sa desisyon ng aktres. Ayon sa ilan, ipinakita raw ni Geneva na hindi lang siya basta artista, kundi isang responsableng mamamayan na inuuna ang kapakanan ng bayan kaysa personal na interes.
“Saludo kami sa ’yo, Geneva. Hindi lahat ng artista may ganitong klaseng prinsipyo,” komento ng isang netizen.
“Mas lalo kitang hinangaan. Hindi madali na ipagpaliban ang isang malaking event, pero mas pinili mong makiisa sa panawagan ng bayan. Mabuhay ka!” dagdag pa ng isa.
Wala pang bagong petsang inanunsyo para sa konsiyerto, ngunit tiniyak ni Geneva sa kanyang followers na matutuloy ito sa tamang panahon, at kapag mas ligtas at mas akma na ang kalagayan ng bansa para sa pagdiriwang.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!