Hindi pinalampas ng aktres na si Andi Eigenmann ang ilang netizens na pumupuna sa pisikal na anyo ng kanyang mga anak, partikular sa pagiging umano’y “madungis” ng mga ito. Sa halip na matawa o manahimik, malinaw ang naging tugon ni Andi: mas mahalaga sa kanya ang tunay at masiglang pamumuhay ng kanyang mga anak kaysa sa pagiging perpekto sa panlabas na anyo.
Sa isang post sa kanyang Instagram account, diretsahang binalikan ni Andi ang mga komentong natatanggap niya mula sa ilang netizens. Ayon sa kanya, kadalasan daw, ang mga taong bumabatikos sa itsura ng kanyang mga anak ay yaon ding mga magulang na pinapabayaan ang kanilang mga anak na abutin ng maghapon sa harap ng gadget, habang kumakain ng fast food o junk food mula almusal hanggang hapunan.
Aniya, “The amount of people who comment about my kids looking madungis are most likely the same type of people who have children stuck on their iPads all day, eating fast/junk food for all three mealtimes (and probably more), and then throw huge fits whenever things don’t go their way.”
Dagdag pa ni Andi, hindi raw siya perpektong magulang, at hindi rin niya ikinakaila na hindi lahat ng ginagawa niya ay tama para sa paningin ng lahat. Gayunman, pinaninindigan niya na mas pipiliin niyang makita ang kanyang mga anak na marumi dahil sa aktibong pamumuhay, kaysa sa mga batang malinis nga ang itsura ngunit nakaupo lamang buong araw at walang koneksyon sa totoong mundo.
“No parent is perfect, but I’d rather mine be messy from living fully, than clean from sitting still and being disconnected from it,” paliwanag niya.
Matatandaang naninirahan si Andi sa Siargao kasama ang kanyang partner na si Philmar Alipayo at kanilang mga anak. Matagal na rin niyang isinusulong ang simpleng pamumuhay na malapit sa kalikasan, malayo sa magulong mundo ng showbiz at teknolohiya. Ayon sa kanya, ito ang uri ng buhay na nais niyang ituro sa kanyang mga anak — isang buhay na puno ng paggalaw, pakikisalamuha, at pag-appreciate sa kalikasan.
Sa kabila ng mga puna, marami rin ang nagpahayag ng suporta sa aktres. Marami ang humanga sa kanyang prinsipyo bilang magulang at sa paraan ng pagpapalaki niya sa kanyang mga anak. Ang ilan ay nagsabing nai-inspire sila kay Andi dahil pinapakita nito na hindi kailangang maging perpekto upang maging mabuting ina.
Tila ba, para kay Andi, mas mahalaga ang karanasang natututuhan ng kanyang mga anak mula sa aktwal na mundo kaysa sa artipisyal na aliw ng digital na teknolohiya. Para sa kanya, ang "madungis" na itsura ay simbolo ng isang buhay na malaya, masaya, at puno ng tunay na karanasan.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!