Sa episode ng It’s Showtime nitong Sabado, Agosto 23, ibinahagi ng “Unkabogable Star” ang kanyang emosyon matapos siyang tanghaling Best Actor sa pelikulang And The Breadwinner Is sa 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Gabi ng Parangal na ginanap noong Biyernes, Agosto 22.
Kuwento ni Vice, hindi niya agad namalayan na naging tampulan na pala siya ng batikos online matapos ang kontrobersyal na biro tungkol sa “jet ski holiday” na binanggit niya sa kanilang concert na Super Divas kasama si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid. Ang naturang concert ay ginanap sa Smart Araneta Coliseum mula Agosto 8 hanggang 9. Sa kabila ng mga negative comments, mas pinili ni Vice na mag-focus sa positibong bagay—ang karangalang ibinigay sa kanya ng FAMAS.
Ayon kay Vice, hindi siya halos nakatulog matapos tanggapin ang tropeo. Aniya, ang award na iyon ang nagsilbing pinakamalakas na “clapback” laban sa lahat ng insultong ibinato sa kanya. Ibinahagi pa niya na kahit maraming nangyayari sa paligid niya, nananatili pa rin siyang masaya, at ang pagkapanalo ay tila dagdag na biyaya na dumating sa pinaka-perfect na oras.
“Ang saya-saya ko po. Sabi ko nga kay Ion, ang saya ko naman lately kahit ang daming nangyayari sa paligid ko, pero ewan ko bakit ang saya-saya ko, pero hindi ko alam kagabi, nabigla ako meron pa pala akong isasaya… si Lord talaga grabe Siya tumayming, iyang trophy na ‘yan, that’s the biggest clapback,” masayang pahayag ni Vice.
Bukod sa kanyang partner na si Ion Perez, labis din ang pasasalamat ni Vice sa Panginoon. Para sa kanya, dumating ang award sa oras na pakiramdam niya ay kailangan niyang maramdaman ang dagdag na suporta at pagkilala.
“Lord thank you very much for making me win win win, no matter what. Hindi ka laging ipapanalo ni Lord sa oras at sa pagkakataong gusto mo. Ipapanalo ka Niya sa tamang pagkakataon kasi Siya ang nakakaalam kung kailan," dagdag pa ng komedyante at TV host.
Ang parangal na ito mula sa FAMAS ay isa na namang mahalagang milestone sa career ni Vice Ganda. Kilala siya bilang isa sa mga haligi ng It’s Showtime at isa sa pinakasikat na komedyante sa bansa, ngunit patuloy niyang pinapatunayan na hindi lamang siya pang-stand-up comedy o TV hosting. Ang pagkakapanalo bilang Best Actor ay malinaw na pruweba na kaya rin niyang magbigay ng makabuluhang performance sa pelikula.
Para sa maraming tagahanga, ang tagumpay na ito ay isang patunay na sa kabila ng lahat ng kritisismo, nananatiling matatag si Vice Ganda. Hindi siya nagpapaapekto sa mga negatibong komento, kundi mas pinipiling gamitin ang mga ito bilang inspirasyon para ipakita ang kanyang talento at sipag sa trabaho.
Sa huli, ipinakita ni Vice Ganda na mas mahalaga ang pagkilala at respeto mula sa mga lehitimong institusyon gaya ng FAMAS kaysa sa walang tigil na pangbabatikos sa social media. Para sa kanya, ang tropeong ito ay hindi lamang personal na panalo kundi isang inspirasyon para sa lahat ng patuloy na lumalaban sa kabila ng mga pagsubok.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!