Hindi inaasahan ng aktor na si Lance Carr na matatapos ang gabi ng kanilang concert sa isang hindi kanais-nais na pangyayari. Matapos ang Vivarkada concert noong Biyernes ng gabi, Agosto 15, naging biktima siya ng isang mandurukot habang nakikipag-interact sa kanyang mga tagahanga.
Ang insidente ay ibinahagi ng kapwa aktor at matalik niyang kaibigan na si Marco Gallo sa pamamagitan ng isang post sa Instagram. Ayon kay Marco, nawala ang cellphone ni Lance sa gitna ng masayang pakikipagkuwentuhan at pakikipag-selfie nito sa mga fans matapos ang kanilang pagtatanghal.
Upang ipakita ang nangyari, nag-upload si Marco ng ilang video clip na tila nakahuli ng aktwal na sandali ng pagnanakaw.
“After tonight’s concert, a phone belonging to our friend Lance went missing in the crowd,” ani Marco.
Dagdag pa niya, “Thanks to the help of some kind people, we were able to gather video from different angles showing a certain individual during the time of the incident. While we cannot make any conclusions without certainty, the footage does raise questions.”
Sa isa sa mga video, makikitang may isang babae na lumapit kay Lance habang abala ito sa pakikipag-usap at pagpapakuha ng larawan kasama ang mga tagahanga. Habang nakatuon ang pansin ni Lance sa crowd, mapapansin na palihim na ipinasok ng babae ang kanyang kamay sa bulsa ng aktor at kinuha ang cellphone nito. Sa kabila ng pagiging mabilis at maingat ng kilos, nahuli pa rin ito ng camera mula sa ilang anggulo.
Agad na umapela si Marco sa publiko upang matukoy ang pagkakakilanlan ng babaeng sangkot sa insidente. Aniya, malaking tulong kung may makakapagbigay ng impormasyon upang maibalik kay Lance ang kanyang nawalang gamit. “Umaasa kami na may makakakilala sa babaeng ito at makatulong na maresolba ang sitwasyon,” pahayag ni Marco.
Samantala, marami sa mga netizens ang nagpahayag ng pagkabigla at pagkadismaya sa nangyari. Ayon sa ilan, hindi dapat nangyayari ang ganitong insidente lalo na sa mga lugar kung saan nagsasama-sama ang mga tagahanga at kanilang mga iniidolo. May mga nagpahayag din ng simpatiya kay Lance, na sa halip na matapos ang gabi nang masaya at puno ng good vibes, ay nauwi pa sa abala at pagkabahala dahil sa pagkawala ng kanyang cellphone.
Para kay Lance, ang insidenteng ito ay isang paalala na kahit sa mga masasayang okasyon, may mga taong nananamantala. Hindi pa malinaw kung mayroong legal na hakbang na gagawin ang kampo ng aktor laban sa babaeng nasapul sa video, ngunit malinaw na nais nilang maibalik ang kanyang gamit at bigyan ng hustisya ang nangyari.
Sa kabila ng hindi magandang karanasang ito, nanatiling positibo si Lance at patuloy na nagpapasalamat sa kanyang mga tagahanga na walang sawang sumusuporta. Samantala, umaasa rin ang kanyang mga kaibigan, lalo na si Marco, na magsilbing babala ito sa lahat na maging mas maingat at mapagmatyag sa kanilang paligid, lalo na sa matataong lugar.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!