Mommy D, Isiniwalat Never Hinuthutan Ng Dyowa!

Miyerkules, Agosto 13, 2025

/ by Lovely


 Isang taon ding hindi nakipag-usap si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa kanyang ina, si Mommy Dionisia, matapos itong magkaroon ng relasyon sa isang mas batang lalaki. Ito ang ibinunyag mismo ni Mommy Dionisia, 76, at ng kanyang karelasyon na si Mike Yamson, 50, nang talakayin nila ang kanilang makulay ngunit puno ng pagsubok na love story.


Mahigit labing-isang taon nang magkasama sina Mommy Dionisia at Mike bilang magkasintahan, ngunit hanggang ngayon ay may ilang tao pa rin ang nagdududa at nagtatawa sa kanilang relasyon, lalo na dahil sa malaking agwat ng kanilang edad. Ayon kay Mike, hindi naging madali ang kumbinsihin ang mga taong malapit kay Mommy D na totoo ang pagmamahal niya, lalo na’t anak ng isang sikat na personalidad ang kanyang kasintahan.


Sa panayam ng broadcast journalist na si Bernadette Sembrano para sa kanyang YouTube channel, ikinuwento ng dalawa na noong unang taon ng kanilang pagsasama ay isa si Manny Pacquiao sa mga nag-obserba at sumubok sa katapatan ni Mike. Dahil dito, umabot sa isang taon na hindi kinausap ng boxing legend ang kanyang ina at si Mike. Sa paglipas ng panahon, nakita raw ni Manny na tapat at seryoso si Mike sa relasyon, kaya kalaunan ay tinanggap din niya ang kanilang pagsasama.


“Nakita ni Manny na totoo siya. Pinansin na niya,” wika ni Mommy Dionisia. Dagdag pa ni Mike, “After one year, kinakausap na ako ni MP, kaya nagkakasundo na kami.”


Nagsimula ang kanilang relasyon sa simpleng palitan ng text messages at tawagan sa cellphone, habang sakay pa noon ng barko si Mike bilang isang seaman. Nang dumating ang oras na ipinakilala ni Mike ang sarili sa General Santos, hindi raw siya natakot kahit pa kilala ang mga anak ni Mommy Dionisia bilang mga boksingero.


Nang tanungin kung paano siya na-develop sa ina ni Manny, sagot ni Mike, “Habang tumatagal, mas lumalalim ang pagkakilala ko sa kanya. Unti-unti, gusto ko na siyang makilala nang lubusan.” 


Samantala, napatunayan naman ni Mommy Dionisia na seryoso si Mike dahil kahit sa gitna ng kanilang mga alitan, hindi siya nito iniwan. Minsan pa nga raw, kapag pinapalayas niya ito, umiiyak si Mike at nakikiusap sa kanyang bodyguard na huwag siyang paalisin.


Dagdag pa niya, malinaw ang pagmamahal ni Mike dahil hindi ito nahihiya sa publiko na ipakita ang sweetness nila. 


“Kung hindi totoo ang pag-ibig ni Michael sa akin, hindi ako niya hahawakan. Mahiya siya sa daming tao, mahiya siyang maghawak, akbayan niya ako, hawakan niya ako."


“Yung mga tao, tingin lang sa amin. Mga kilala sa amin sasabihin  ‘Ang sweet naman,’” chika ni Mommy Dionisia.


Pagdating sa mga akusasyong pera lamang ang habol ni Mike, diretsahan niya itong itinanggi. Ayon sa kanya, “Until now. Kasi we’re into social media. Bumuo kami ng sarili naming Facebook account, pati YouTube na rin, so more on bashers tayo ngayon." 


“Hindi mo maiwasan talaga na below the belt na napakagrabe na salita. Hindi ko na pinapansin. Hindi ko na iniinda iyan,”


Paliwanag pa niya, kung hindi totoo ang nararamdaman mo sa isang tao, mahirap itong itago, lalo na sa loob ng halos 11 taon. “Lalabas at lalabas ang totoong intensyon mo,” dagdag niya.


Samantala, sinabi ni Mommy Dionisia na hindi siya hinihingan ng pera ni Mike. Aniya, pangako sa kanya ng nobyo, “Kamatayan lang ang maghihiwalay sa atin.” Plano rin nilang magpakasal, at mayroon na silang wedding rings bilang simbolo ng kanilang commitment.


Sa kasalukuyan, todo-alaga si Mike kay Mommy Dionisia, bagay na ikinaiinggit umano ng kanyang mga kaibigan. “Kasuwerte!” biro pa ng ina ni Manny Pacquiao, na halatang masaya at kontento sa relasyon nila ni Mike, sa kabila ng lahat ng puna at panghuhusga ng iba.


Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo