Matapang at puno ng emosyon ang naging pagbabahagi ni Liza Soberano nang isiwalat niya ang ilan sa pinakamabibigat at pinakamasasakit na alaala ng kanyang kabataan. Sa kanyang pagdalo sa podcast na “Can I Come In?”, ikinuwento ng aktres ang mga pinagdaanan niya bago pa man siya maging kilala sa industriya ng showbiz.
Ayon kay Liza, dumating sa punto ng kanyang buhay na siya at ang kanyang kapatid ay pansamantalang nahiwalay sa kanilang mga magulang. Dahil dito, napilitan silang manirahan sa foster care. Sa kalaunan, inampon silang magkapatid ng pamilya ng isang kaibigan niya sa high school. Bagama’t una’y inakala niyang magiging maayos ang lahat, lumipas lang ang ilang buwan at nagsimulang maging masalimuot ang kanyang sitwasyon.
Sa loob ng halos walong buwan ng paninirahan sa naturang pamilya, nakaranas umano siya ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso. Isa sa mga pinakamasakit na karanasan na kanyang ikinwento ay kung paano siya tinrato na parang “family dog.”
“They would have family movie nights once a week or so, and I was the only one who wasn’t allowed to participate—because I was the family dog,” sey ni Liza.
Inilarawan ni Liza na tuwing may “family movie night” ang pamilya, hindi siya pinapayagang makisali. Sa halip, pinauupo siya sa isang malaking kahon ng karton sa likod ng sofa.
“They would literally call me that, and I had to sit in a big cardboard box behind the sofa. I actually just sat there, like a dog,” ani ng aktres habang inaalala ang mapait na karanasang iyon.
Hindi doon natapos ang kanyang kwento. Ibinahagi rin ni Liza ang isang insidente na tumatak sa kanyang isipan. Ayon sa kanya, isang araw, ang kanilang totoong alagang aso ay nadumihan ang carpet. Tinawag siya ng babaeng tumayong ina sa kanya—na tinukoy niya sa pangalang “Melissa”—para linisin ito.
Noong una, plano ni Liza na gumamit ng brush o anumang panlinis, ngunit nang bumalik siya dala ang gamit, tinanong siya ni Melissa kung ano ang ginagawa niya. Sumagot si Liza, gamit ang boses ng isang batang inosente: “I’m cleaning it, like you asked me to.” Subalit, nagulat siya nang marinig ang sagot na: “No, I want you to use your tongue.”
Akala ni Liza ay isang biro lamang ito. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, hinawakan umano ni Melissa ang likod ng kanyang ulo at pilit siyang itinulak pababa sa maruming bahagi ng carpet.
Ang malupit na alaala na ito ay isa lamang sa maraming karanasan ni Liza na nag-iwan ng sugat sa kanyang pagkatao. Sa kabila ng bigat ng mga detalyeng kanyang isiniwalat, malinaw sa kanyang tono na nakahanap na siya ng lakas upang magsalita at ipaglaban ang kanyang kuwento.
Maraming netizens ang agad na nagpahayag ng kanilang pakikiramay at pagsuporta kay Liza matapos lumabas ang podcast episode. Marami ang humanga sa kanyang tapang na magbahagi ng ganitong uri ng karanasan, lalo’t alam nilang hindi madali para sa isang public figure na ilantad ang ganitong personal at masakit na bahagi ng kanyang nakaraan.
Para sa kanyang mga tagahanga at sa publiko, ang pagsisiwalat ni Liza ay hindi lamang isang pagbubukas ng sugat, kundi isa ring inspirasyon. Patunay ito na kahit gaano kalalim ang sugat ng nakaraan, posible pa ring bumangon, magpatuloy, at hanapin ang mas maliwanag na kinabukasan.
Panoorin ang buong video:
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!