Nag-viral kamakailan ang Facebook post ni Edgar Concha Jr., mister ng kilalang social media personality na si Jam Magno, matapos nitong isiwalat ang umano’y buong salaysay o “backstory” sa naranasan niyang pisikal na pananakit.
Bagama’t hindi tuwirang pinangalanan ni Edgar ang taong tinutukoy, marami sa mga netizen ang naghihinalang ang asawa nitong si Jam ang sangkot sa mga pangyayari. Sa kanyang post noong Lunes, Agosto 25, ikinuwento ni Concha ang detalyado at sunod-sunod na mga kaganapan na nagresulta umano sa pagkakaroon niya ng mga pasa at sugat sa katawan at mukha.
Ayon kay Concha, ang paraan ng kanyang pagkukuwento ay tila pakikipag-usap niya sa mismong taong nanakit sa kanya. Gumamit siya ng mga salitang gaya ng “asawa” at “husband,” kaya’t lalong nagbigay-linaw sa kanyang mga tagasubaybay kung sino ang tinutukoy niya. Sa bahagi ng kanyang salaysay, binanggit niyang nag-ugat ang hindi pagkakaunawaan matapos niyang ipanukala ang pagpapa-DNA test sa anak na si Tony—isang isyung kaakibat daw ng kasong kinahaharap ng kanyang tinutukoy.
Dagdag pa niya, matagal na niyang sinusuportahan ang asawa sa mga kinakaharap nitong kaso sa korte. Ani Concha, kasama niya ito sa lahat ng hearing kaugnay ng kasong isinampa ng “legal wife” ng dating partner ng asawa. Dahil dito, madalas silang maglakbay mula Butuan patungong Cagayan de Oro, na inaabot ng lima hanggang anim na oras. Kinailangan pa nilang mag-book ng mga kuwarto para sa kanila at sa abogado, bagay na nakakaubos ng oras, pera, at lakas.
Sa pagpapatuloy ng kanyang salaysay, ikinuwento ni Edgar ang isang gabi kung saan nagsimula ang tensyon. Nasa Tagbina raw sila noon para dumalo sa isang kasiyahan. Nakisama siya sa inuman kasama ang iba, ngunit saglit na umalis upang magbanyo. Pagbalik niya, sinabi raw ng asawa na may lalaking nang-harass dito. Bilang asawa, ayon kay Concha, natural lamang ang protective instinct niya kaya hinikayat niya itong ituro ang lalaki para kanyang kausapin. Ngunit nang tumanggi ito, nagtaka si Edgar kung bakit pa siya inireklamo.
Nagpasya silang umalis ng venue at bumalik sa kanilang hotel. Habang nagmamaneho, sinubukan ni Edgar na kausapin ang asawa tungkol sa kaso nito. Ipinaalala niyang anuman ang katotohanan, tanggap niya ito at handa siyang ipagtanggol bilang asawa. Sa kabila nito, binanggit niya na labis siyang naaawa tuwing nakikita ang asawa na nakakaranas ng anxiety attacks sa korte. Palagi raw niyang hinahawakan ang kamay nito upang iparamdam na nandiyan siya para sa suporta.
Dito na lumabas ang isyu ng DNA test. Ipinanukala ni Edgar na sumailalim sila dito upang mabilis nang maresolba ang kaso, dahil kung mapatunayang negatibo ang resulta, mawawala na umano ang basehan ng demanda. Subalit, ayon sa kanya, bigla na lamang nagalit ang asawa sa mungkahing ito at dito na raw nagsimula ang pisikal na pananakit.
Sa kanyang salaysay, sinabi ni Concha na ilang ulit siyang sinuntok sa mukha. Hindi raw siya gumanti bagkus ay niyakap ang asawa upang pakalmahin. Gayunpaman, pinagmumukha pa raw siyang siya ang may intensyong manakit nang dalhin siya sa istasyon ng pulis. Doon, ani Concha, hindi naniwala ang mga pulis sa paratang ng asawa, lalo’t siya mismo ang may mga sugat.
Pinayuhan pa siya ng hepe ng presinto na kumuha ng medico-legal certificate para may depensa sakaling baligtarin ang kwento laban sa kanya. Ayon pa kay Concha, inasikaso siya ng ilang babaeng pulis at pinakain pa ng agahan habang naghihintay sa labas ng himpilan.
Sa huling bahagi ng kanyang post, nagbigay siya ng mensahe na tila tuwirang patama:
“I hope this message reaches you: JUST STOP WITH YOUR NONSENSE AND PROPAGANDA.”
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!