Nag-viral kamakailan ang hinaing ng aktres na si Bela Padilla matapos niyang ibahagi sa social media ang naging karanasan sa pag-order ng produkto mula sa ibang bansa. Ayon sa kanya, sobra-sobra raw ang siningil sa kanya ng Bureau of Customs (BOC) para sa buwis at mga bayarin, bagay na umani ng samu’t saring reaksyon mula sa publiko.
Base sa post ng aktres, umabot umano sa ₱4,600 ang ipinataw na buwis sa kaniyang inangkat na produkto na nagkakahalaga lang ng humigit-kumulang ₱11,000. Labis itong ikinagulat ni Bela dahil bago pa siya nagpa-deliver ay sinubukan niyang gumamit ng online calculator ng BOC upang matantiya ang babayaran. Lumabas sa tool na nasa ₱1,650 lamang ang dapat niyang bayaran, kaya’t laking gulat niya nang dumating ang aktuwal na singil na halos triple ng kanyang inaasahan.
Dahil dito, marami ang nakisimpatya sa aktres at naghayag ng parehong karanasan. Marami ring netizen ang nagsabing matagal na raw nilang problema ang hindi malinaw na sistema ng singilan ng BOC tuwing may mga imported items na pumapasok sa bansa.
Kahapon, agad na naglabas ng pahayag si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at humingi ng paumanhin sa aktres at sa publiko. Ayon sa kanya, walang anomalya sa aktuwal na assessment ng buwis ngunit inamin niyang may naging pagkukulang sa kanilang online calculator.
“Nagpapaumanhin ako kay Ms. Bela at sa lahat ng ating kababayan na nagkaroon ng ganyang hindi magandang karanasan po sa BOC,” ani Nepomuceno.
Ipinaliwanag niya na ang nasabing calculator ay hindi pa kumpleto ang feature at hindi isinama ang ilan sa mahahalagang bayarin gaya ng freight charges at documentary stamp fees. Dahil dito, lumabas na mababa ang estimate ng buwis, kaya’t nang dumating ang totoong computation ay mas mataas ito.
“May ibang items na hindi kasama sa calculator. Magagalit naman talaga… hindi (lang) si Ms. Bela. Magdududa talaga. Mali naman ‘yung computation kaya pagdududahan. ‘Yung calculator, may kulang,” dagdag pa ng opisyal.
Bilang aksyon, pansamantalang tinanggal ng BOC ang online calculator upang hindi na magdulot ng dagdag na kalituhan sa iba pang mamamayan. Nangako rin si Nepomuceno na gagawan ng paraan upang mas maging maayos, malinaw, at transparent ang kanilang mga sistema para maiwasan ang parehong insidente.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng panibagong komento si Bela matapos ang public apology ng ahensya, ngunit ayon sa ilang netizen, positibo ang naging hakbang ng BOC sa mabilis na pagtugon at pag-ako ng pagkukulang.
Ang insidente ay nagsilbing paalala kung gaano kahalaga ang transparency at malinaw na komunikasyon sa mga ahensya ng gobyerno, lalo na’t dumarami ang Pilipinong bumibili ng produkto mula sa online sellers sa abroad.
Sa huli, tiniyak ni Commissioner Nepomuceno na patuloy nilang gagawin ang lahat upang maibalik ang tiwala ng publiko:
“Hindi na mauulit ang ganitong pagkakamali. Sisiguraduhin naming mas tumpak ang mga computation para hindi na malagay sa alanganin ang ating mga kababayan.”
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!