Lubos umanong ikinabahala ng pamilya ni Senador Robin Padilla ang isang social media post na naglalaman ng panawagan para sunugin siya, na tila bahagi raw ng isang hakbang upang siya ay maihalintulad kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag sa kaniyang Facebook page noong Huwebes, Hulyo 3, 2025, inilahad ng senador na kasalukuyang nakataas ang antas ng seguridad sa kaniya at maging sa kaniyang pamilya. Ayon sa kaniya, ang kampanyang ito na umikot sa social media ay nagdulot ng matinding pag-aalala sa kanilang lahat.
“Ang aking buong pamilya nagkaroon ng matinding pagkabahala ng mayroong naglabas sa social media ng isang kampanya para sunugin si Robin Padilla,” sabi niya.
Dagdag pa ni Padilla, naging mas istrikto ang kanilang galaw at mga lakad dahil sa posibilidad na samantalahin ang sitwasyon ng mga may masamang balak. Paliwanag niya, “Nagkaroon ng paghihigpit sa aming mga pupuntahan at sa hanggang ngayon ay naka red alert pa rin ang aking security dahil ang mga ganitong kampanya ayon sa kanila ay baka sakyan ng mga terorista.”
Nag-ugat ang naturang social media events sa naging pahayag ni Padilla sa publiko kung saan sinabi niya na kahit siya ay sunugin ay “mangangamoy Duterte” pa rin siya. Ang pahayag na ito ay umani ng sari-saring reaksyon mula sa mga netizens at ilang grupo online, kung kaya’t may mga lumitaw na Facebook events na pinamagatang “Sunugin si Robin Padilla.”
“'Di ba malinaw naman siguro 'yon? Kahit sunugin mo 'ko dito, mangangamoy Rodrigo Roa Duterte ako,” ani ng senador sa isang panayam.
Dahil sa insidente, mas naging alerto ngayon ang kaniyang mga tauhan at mga kaanak. Lalo pa’t may mga nag-aalala na baka ang mga ganitong uri ng biro o kampanya ay mauwi sa mas malalang pangyayari. Para kay Padilla, hindi biro ang ganitong pananakot at hindi rin dapat palampasin ang mga ganitong kilos sa online platforms.
Hindi pa malinaw kung sino ang nasa likod ng naturang event, subalit nananawagan si Padilla na sana'y maging responsable ang mga gumagamit ng social media. Giit niya, ang mga ganitong uri ng kampanya ay hindi lamang isang simpleng biro kundi posibleng pagmulan ng karahasan o kaguluhan.
“Ang mga ganyang biro ay hindi na nakakatuwa sa panahon ngayon. Ang mundo ay punô ng tensyon at hindi natin alam kung sino ang seryoso at sino ang nagbibiro lamang. Kaya’t kinakailangang mag-ingat tayo sa ating mga sinasabi online,” dagdag pa ng senador.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang pagbabantay sa paligid ng senador at mahigpit ang kanyang koordinasyon sa mga kinauukulan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Samantala, nananawagan din si Padilla sa publiko na iwasan ang mga mapanirang posts at kampanya sa internet na posibleng pagmulan ng kaguluhan o panganib sa sinuman.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!